Taong 1938 nang magsimula ang aming gawain bilang isang programa sa radyo na tinawag naming Detroit Bible Class. Mula sa kakaunting bilang ng mga masusugid na tagapakinig, umabot sa milyun-milyong tao mula sa iba’t ibang dako ng mundo ang gumagamit ng aming mga babasahin na ibinatay sa Salita ng Dios.
Sa paglipas ng mga taon, nalaman namin na mas nakilala kami sa aming babasahin na Our Daily Bread. Dahil doon, nagpasya kami na gawing Our Daily Bread Ministries ang bagong pangalan ng aming organisasyon. Ginawa namin iyon para mas makilala ng mga tao ang iba’t ibang mga babasahin na aming ginagawa. Naipapahayag din mismo ng aming bagong pangalan ang aming layunin. Binago man namin ang aming pangalan, hindi pa rin nagbabago ang aming layunin na maipaabot sa buong mundo ang magandang balita ng pag-ibig ng Dios.
Ang ODB ay isang organisasyon na walang ipinapakilalang grupo ng mga simbahan at hindi namin layunin na kumita sa pamamagitan ng gawaing ito. Kami ay may mahigit na 35 tanggapan o offices sa buong mundo na binubuo ng mga staff at volunteers na tapat na naglilingkod sa Dios. Sama-sama kaming nagtutulungan upang maipamahagi ang mahigit na 60 milyong babasahin sa 150 bansa. Layunin namin na tulungang tumatag ang mga tao sa kanilang pagtitiwala sa Panginoon sa anumang ipinamamahagi namin tulad ng programa sa radyo at telebisyon, DVD, podcast, libro, mobile app, o website.
Sa tulong ng Dios at sa tulong ninyo, patuloy naming naisasakatuparan ang aming layunin.
Sa loob ng 75 taon, nasaksihan namin ang katapatan ng Dios sa Our Daily Bread Ministries. Naipayahag namin ang mabuting balita ng pag-ibig, kagandahang-loob at pagpapatawad ng Dios sa buong mundo sa pamamagitan ng tulong at suporta ninyo, ng inyong pamilya, inyong mga kaibigan at ng kapwa nagtitiwala kay Jesus. Lubos kaming nagpapasalamat dahil sa malaking naitulong ninyo sa ODB.