be-still
Ang panahong ito ng krisis ay panahon din ng blessings. Nahihirapan man tayo at ang karamihan sa ating mga kababayan, nakikita naman natin na hindi tayo pinababayaan ng Dios.
Kumikilos ang Dios sa iba’t ibang paraan para tayo ay tulungan. Pinagpapala Niya tayo at dahil dito, maaari din tayong maging pagpapala sa iba.
Maituturing na blessing ang makatanggap ng biyaya at blessing din na ibahagi ito sa iba. Parehong blessing ang pinagpapala at ang maging pagpapala!
Blessing din para sa amin na maging pagpapala ang mga babasahin ng Our Daily Bread. Sa tulong ng Operation Blessing, nakapamahagi tayong muli ng mga babasahin. Isinama nila ang mga ito sa mga ipinamimigay nilang relief goods sa mga kababayan nating nangangailangan. Naniniwala kami na kung paanong makakatulong ang mga relief goods sa pisikal nilang pangangailangan, makakatulong naman ang mga babasahin sa kanilang pangangailangang espirituwal.
Tulad ng Operation Blessing, maaari din tayong maging blessing sa iba! Maliit man sa tingin natin ang kaya nating maibigay, malaki pa rin ang magagawa nito.
Sinasabi sa 2 Corinto 9:8,
“At magagawa ng Dios na ibigay sa inyo ang higit pa sa inyong mga pangangailangan, para sa lahat ng panahon ay maging sapat kayo sa lahat ng bagay, at lagi ninyong matutulungan ang iba.
Tunay na hindi nagkukulang ang Dios. Siya ay tapat. At maipapakita natin ang Kanyang katapatan sa pamamagitan ng pagbabahagi sa ating kapwa ng mga blessing na natanggap natin.
Ang mga larawang ito ay mula sa Operation Blessing:
Pag-Asa
Pag-Asa
Patuloy nating idalangin ang ating bansa at mga kababayan. Maaari din kayong makipagtulungan sa amin upang makapagpatuloy kami sa pamamahagi ng aming resources sa print at digital sa mas marami pa nating mga kababayan.