CORONAVIRUS PANDEMIC:
NATATAKOT AKO AT HINDI KO ALAM KUNG BAKIT

Isinulat ni Daniel Ryan Day, USA

IIlang buwan na rin simula nang pumutok ang balita tungkol sa coronavirus pero hindi ko ito masyadong sineseryoso at nagbibiro pa ako tungkol dito. Naging parte rin ako sa isang maikling video na pinagtatawanan ang labis na pagkatakot ng mga tao sa coronavirus. Hanggang sa nagkaroon ng mga pagbabago: Sinuspinde ang mga laro sa NBA at nagbigay din ng espesyal na pahayag ang presidente ng Amerika tungkol sa lumalaganap na coronavirus. Nakarating din sa akin ang mga bali-balita na pansamantalang isasara ang aming kumpanya. Nakatanggap din ako ng email mula sa isang airline na ipinapaalam ang pagkakansela nila ng flights. Nagpahayag naman ang mga pangunahing unibersidad na ipapatupad muna nila sa ngayon ang pagkaklase sa online. Ipinagbabawal na rin ang pagbibiyahe kaya hindi na muna ako makakapunta sa iba’t ibang bansa.

Kagabi, mas tumindi pa ang aking pagpapanic nang iutos ng gobernador na isara ng 3 linggo ang lahat ng K-12 na eskuwelahan. Kaninang umaga naman, nabalitaan ko na may nagpositibo na sa coronavirus sa mismong lungsod namin at umabot na ito sa tatlong katao.

Lubos akong naapektuhan sa mga kabi-kabilang balita tungkol sa coronavirus. Sumakit din ang ulo ko dulot ng stress na nararamdaman ko. Hindi ko kasi maiwasang isipin ang iba’t ibang mga puwedeng mangyari na hindi maganda. Masasabi ko na talaga na,

Natatakot ako, at hindi ko alam kung bakit!

Natatakot ba ako dahil baka mahawa ang mga anak ko sa virus, o dahil baka ako ang magkasakit? Natatakot ba ako dahil baka hindi muna ako makakapagtrabaho? Natatakot ba ako dahil hindi ako makakapanood ng laro sa NBA? Natatakot ba ako dahil nararamdaman ko rin ang nararamdamang pagkabalisa at pangamba ng mga tao sa buong mundo simula pa noong Enero? O ang lahat ba ng mga ito ang dahilan kung bakit ako natatakot?

Maraming pera ang nawala dahil sa coronavirus, bilyon o baka trilyong dolyares pa nga. Ipinagbabawal na rin ang mga pagtitipong dadaluhan ng aabot sa 100 katao. Maraming mga malalaking kumpanya ang pansamantalang isinarado. Inanunsiyo na rin ng World Health Organization na ang krisis na ito ay maituturing na isa nang “pandemic.” Wala ring tigil na pinag-uusapan ito ng mga tao, at kasama na ako roon. Hindi natin matatakasan ang epidemyang ito dahil kabi-kabila ang naririnig o nababasa natin tungkol dito. Alam ko na medyo bata pa ako, pero hindi ko pa nararanasan ang mga ganitong pangyayari sa buong buhay ko.

Sa tingin ko, maaaring natatakot ka rin. O kung hindi man, maaaring nagmamalasakit ka lang sa mga nangyayari.

Ano na ang gagawin natin ngayon?

Sa palagay ko, makabubuti na sandali muna tayong manahimik at huminga nang malalim. Pansamantala muna nating isantabi ang pag-iisip natin tungkol sa coronavirus at ituon ang ating isip sa pagbubulay ng Salita ng Dios.

Sinasabi sa Filipos 4:6-7, “Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay. Sa halip, ilapit sa Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo sa pamamagitan ng panalangin na may pasasalamat. Kapag ginawa nʼyo ito, bibigyan kayo ng Dios ng kapayapaan na siyang mag-iingat sa puso ninyo at pag-iisip dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus. At ang kapayapaang ito ay hindi kayang unawain ng tao.”

Aaminin ko na hindi ako masyadong nakakapanalangin ngayon. Naaagaw kasi ang oras ko sa panonood at pagbabasa ng balita tungkol sa coronavirus. Mas nabibigyan ko pa ito ng panahon kaysa sa pakikipag-usap sa Dios. Mas madalas din ang pakikipag-usap ko sa aking mga kaibigan, pagbabasa ng mga email at panonood ng mga video tungkol sa coronavirus. Pero habang tumitindi ang sakit ng ulo ko, alam kong dapat na bawasan ko ang panonood at pakikipag-usap sa iba. Alam ko rin na kailangan kong mas maglaan ng oras sa pananalangin.

Narito ang ilang maaari nating gawin upang maging kapaki-pakinabang ang paggamit natin sa ating mga oras. Samahan n’yo ako na gawin ang mga sumusunod:

1. Manalangin at kausapin ang Dios tungkol sa coronavirus.

Maaari nating sabihin sa Dios na natatakot tayo at hindi natin alam kung bakit. Puwede nating sabihin sa Dios ang lahat ng naiisip natin na maaaring mangyaring hindi maganda at hilingin sa Kanya na suriin ang ating puso kung bakit hindi tayo mapanatag. Sa halip na mag-imbak ng mag-imbak na naman ng mga supply at magshare ng mga article sa social media, bakit hindi natin ilaan ang oras natin sa pananalangin. Ito ang magandang pagkakataon upang mas lalo tayong mapalapit sa ating Panginoon na ating Kanlungan.

2. Magpasalamat sa Dios.

Sinasabi sa Filipos 4 na ilapit natin sa Dios ang ating mga alalahanin, pero dapat nating ilapit ang mga ito nang may pasasalamat. Isipin natin ang mga dapat nating ipagpasalamat sa Dios; ang mga ginawa Niya para sa atin noong nakaraang araw, linggo, buwan o taon. Isipin din natin ang mga ginawa Niya para sa atin simula pa noong isilang tayo hanggang sa ngayon. Purihin at pasalamatan natin Siya dahil sa mga ito. Ang pagpapasalamat sa Dios ay nag-uudyok sa atin upang alalahanin ang Kanyang katapatan na nakapagbibigay din sa atin ng lakas ng loob sa pagharap sa anumang pagsubok sa buhay.

3. Basahin ang mga Salmo sa Biblia.

Kung maaari, basahin natin ang lahat ng Salmo sa Biblia. Maari din naman na basahin natin kahit ang ilan lang sa mga ito. Isa sa mga puwede nating unang basahin ay ang Salmo 27. Makikita natin dito na ilang beses na dumanas ang manunulat ng Salmong ito ng mga pangyayaring hindi niya kontrolado. Spoiler alert: napakarami niyang dinanas na mga pagsubok! Pansinin din naman natin kung ilang beses siyang nagpuri sa Dios dahil sa pagtulong ng Dios sa lahat ng pinagdaanan niyang mga pagsubok.

4. Humanap ng mga paraan kung paano makakatulong sa ibang tao.

Natatandaan mo pa ba ang kuwento sa Biblia kung saan hinawakan ng Panginoong Jesus ang isang ketongin? Kung babasahin natin ang Biblia, mababasa natin kung paanong laging nagpapakita ng pagmamahal at pagmamalasakit ang mga tagasunod ni Jesus sa kanilang kapwa. Gamitin natin ang pagkakataong ito upang tumulong din sa iba tulad ng ginawa nila.

Paano ka makakatulong? Maaaring tawagan mo ang isa sa iyong mga kaibigan at sabihin sa kanya na makabubuti na magtiwala siya sa Panginoon. Kung may kakilala ka naman na nasa lugar kung saan marami na ang mayroong coronavirus, kumustahin mo sila. Mag-isip ka rin ng paraan kung paano mo matutulungan ang kakilala mo na mahina ang resistensya. Maaaring bilhan mo siya ng mga makakain para hindi na niya kailanganin pang lumabas ng bahay. Siguraduhin mo lang na wala kang virus. At ang pinakamahalaga na dapat mong gawin, manalangin ka sa Dios at hingin ang Kanyang gabay kung ano ang nais Niya na gawin mo at sundin ito.

5. Kung may pagkakataon, maaari kang tumakbo o mag-jogging.

Hindi naman ito makikita sa Biblia, ako lang ang nakaisip nito. Gawin mo ito kung may lugar sa iyong bahay na maaari kang magjogging. Maaaring hindi mo hilig ang pagjojogging, pero gusto ko lang itong Ibahagi dahil nakatulong ito sa akin. Kapag nakakaramdam ako ng stress, ang pagtakbo ang pinakamainam na paraan para mas maging malinaw ang aking isipan. Puwede rin naman na maglakad-lakad ka sa bahay ninyo, o ‘di kaya naman ay mag-ehersisyo ka tulad ng pagpupush-up o ng stretching. Umisip ka ng maaari mong gawin para sandaling pumapayapa ang iyong isip at mabaling din sa ibang bagay ang iyong pansin.

Hindi malulunasan ang coronavirus sa pagsunod mo sa listahang ito at hindi rin ito lunas para mawala nang tuluyan ang iyong mga alalahanin. Maiisip at maiisip mo pa rin ang mga bagay na nakapagbibigay sa iyo ng kabalisahan. Gayon pa man, ulit-ulitin mo lang ang 5 gawain na ito sa tuwing nababalisa ka. At tulad ng sinasabi sa Biblia, kung ilalapit natin sa Dios ang ating mga alalahanin, bibigyan ka ng Dios ng kapayapaan na hindi kayang unawain ng tao na siyang mag-iingat sa puso mo at pag-iisip dahil ikaw ay nakay Cristo Jesus.

Ilang taon na ang nakakalipas, may mga panahon na madalas akong mawalan ng trabaho. Naging mahirap ito para akin. Naalala ko na may pagkakataon noon na nanalangin ako sa Dios sa may tabing-dagat habang pinapanood ang malalaking alon. Napagtanto ko na magagawa akong dalhin ng napakalaking alon sa iba’t ibang lugar. Dahil doon, bigla kong naisip ang kantang isinulat ko. Ang kantang iyon ay magandang kantahing muli sa panahon ngayon.

Ang kapayapaan nawa na mula sa Dios na tila malaking alon;
Ang magdala sa akin sa lugar kung saan ako dapat naroroon.

Makapangyarihan ang kapayapaan na mula sa Dios. Ito ang magdadala o mag-uudyok sa atin upang lalo tayong magtiwala sa Kanya. Makakaranas pa rin naman tayo ng pagkatakot pero ang pagkatakot natin ay magiging daan para mas lalo tayong lumapit sa Dios na nagmamahal sa atin.

“Ang babasahing ito ay inilimbag ng YMI sa wikang English. May pahintulot ito na muling ilimbag at isalin sa ibang wika.”