Gabi Noon
Basahin: Juan 13:21-30
Pagkakain ni Judas ng tinapay, agad siyang umalis. Gabi na noon. –Juan 13:30 ASD
Isang gabi ng Huwebes Santo, may dinaluhan akong isang pananambahan. Maliit lang ang kapilya at mga kandila lang ang ginamit na ilaw. Pagkatapos naming alalahanin ang Panginoong Hesus sa pamamagitan ng tinapay at katas ng ubas, may nagbasa ng mga talata sa aklat ng Juan. Pagkakatapos bumasa ng ilang talata, pinapatay ang isang kandila at umaawit kami ng tungkol sa kamatayan ng Panginoon. Labing apat na beses namin itong inulit hanggang wala nang kandilang nakasindi. Napakadilim sa loob ng kapilya. Tahimik kaming nanalangin at pagkatapos ay isa-isang umuwi.
Ang ganoong kadilim na pananambahan ay makapagpapaalala sa atin ng ‘kadiliman’ o kalungkutan na nararamdaman ni Hesus nang malapit na Siyang ipako sa krus. Isipin na lang natin ang huling gabi na kasama Niya ang mga alagad sa hapunan at sinabi Niya na isa sa kanila ang magkakanulo sa Kanya (Juan 13:21-30). Si Hesus lang ang nakakaalam na si Judas iyon. “Pagkakain ni Judas ng tinapay, agad siyang umalis. Gabi na noon” (talatang 30). Inaresto si Hesus, tiniis ang pagpapahiya sa Kanya ng mga pinuno ng relihiyon at nasaktan nang ipagkaila Siya ni Pedro. Sa kabila nito, hinayaan Niyang ipako Siya sa krus para matubos tayo sa ating mga kasalanan.
Tiniis ni Hesus ang madilim na sandali ng Kanyang buhay at hinarap ang kamatayan para bigyan tayo ng liwanag at buhay. Tiniis Niya ang lahat para sa atin. Purihin natin Siya.
Isinulat ni: David McCasland
Naipakita ng kamatayan ng Panginoong Hesus ang kasamaan ng tao at ang pag-ibig ng Dios sa atin.