Iniligtas sa Kamatayan

Isipin natin ang kaparusahan sa ating kasalanan ay utang natin sa Dios. Dahil likas tayong makasalanan, ang utang na ito ay hindi natin kayang bayaran sa pamamagitan ng sariling pagsisikap.

Pero gumawa ang Dios ng paraan para dito. Sinasabi sa Kautusan na kailangan pagbayaran ng tao ang ginawa niyang kasalanan pero wala tayong kakayahan para bayaran ito. Kaya naman, kailangang may magbayad nito para sa atin. Kailangan ang taong magbabayad nito ay hindi nagkasala.

Inako ni Jesus ang parusa sa kasalanan at inialay Niya ang Kanyang buhay para sa atin.

Kaya, isinugo ng Dios ang Kanyang kaisa-isang Anak – si Jesu-Cristo para bayaran ang ating kasalanan. Inako ni Jesus ang parusa sa kasalanan at inialay Niya ang Kanyang buhay para sa atin. Mahigit 2,000 taon na ang nakakalipas, ang Dios na si Jesus ay nagkatawang-tao at namuhay kasama ng mga tao. Hinatulan si Jesus na parang isang kriminal at ipinako Siya sa krus. Namatay Siya at inilibing.

Sapat ang buhay na inialay ni Jesus para bayaran ang kaparusahan sa ating kasalanan dahil Siya ay Dios at isa ring tao. Bilang isang Anak ng Dios, perpekto Siya at mabuti. Kaya naman, hindi Siya nagkasala at walang anumang kasalanan na dapat pagbayaran. Gayon din naman, dahil namatay si Jesus bilang tao, Siya ang perpektong handog bilang kabayaran sa ating mga kasalanan. Sinabi sa Biblia, “Hindi natin masunod ang lahat ng iniuutos ng Kautusan, kaya isinumpa tayo ng Dios. Pero ngayon, tinubos na tayo ni Cristo sa sumpang ito. Isinumpa Siya alang-alang sa atin, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Isinumpa ang sinumang binitay sa puno” (Galacia 3:13 ASD).

Nang mamatay si Jesus, inaakala ng iba na maging Siya ay hindi nakatakas sa kapangyarihan ng kasalanan at iyon ang kamatayan. Kaya, paano tayo ililigtas ni Jesus sa kaparusahan sa kasalanan?

Makalipas ang tatlong araw nang mamatay si Jesus, nabuhay Siyang muli. Nagpakita Siya sa daan-daang mga tao bago umakyat muli sa langit. Ang pagkabuhay Niyang muli ang nagpapakita na tinalo ni Jesus ang epekto ng kasalanan – ang kamatayan. Mamamatay ang tao dahil sa kasalanan pero dahil sa pagkabuhay na muli ni Jesus tinalo na Niya ang kamatayan. Ipinapakita rin nito na ang kamatayan ni Jesus alang-alang sa atin ay sapat na kabayaran sa Dios para mailigtas tayo.

Maaaring maitanong mo sa iyong sarili kung paano ito makakatulong sa iyo. Sinasabi sa Biblia na kapag tinanggap natin ang iniaalok ni Jesus na kapatawaran sa kasalanan sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanya, patatawarin tayo ng Dios sa ating mga kasalanan. Magkakaroon din tayo ng maayos na relasyon sa Dios. Hindi na rin tayo ituturing ng Dios na makasalanan at matatamasa natin ang kasiyahan na kasama ang Dios.

Ang kahanga-hanga pa rito ay walang hanggan ang ating relasyon sa Dios. Walang makapaghihiwalay sa atin sa Dios – maging ang kamatayan.

Ito ang pag-asa na makakamtan natin kung magtitiwala tayo kay Jesus na Siya ay nagkatawang-tao, namatay at muling nabuhay at kung magtitiwala tayo sa Kanya bilang ating Panginoon at Tagapagligtas. Sinabi sa Biblia, “Ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16 ASD).