Kahanga-hanga
Basahin: Roma 5:6-11
“Pag-isipan ninyo kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Ama sa atin! Tinawag Niya tayong mga anak.” —1 Juan 3:1 ASD
May nabasa ako sa internet na isinulat ng isang babae: “Gusto kong minamahal ako. Gusto kong kahanga-hanga ang nagmamahal sa akin.” Hindi ba’t gusto din natin na may nagmamahal at nagmamalasakit sa atin? Hindi ba’t mas gusto natin kung kahanga-hanga ang iibig sa atin?
Si Jesus ang kahanga-hanga sa lahat. Kahanga-hanga ang pag-ibig Niya sa atin. Nang dahil sa pag-ibig Niya sa atin, iniwan Niya ang Kanyang Ama sa langit at nanirahan dito sa mundo (Luc. 2). Namuhay Siya nang perpekto sa piling ng mga tao at inialay Niya ang Kanyang buhay para sa atin (Jn. 19:17-30). Siya ang tumanggap ng parusa sa halip na tayo. “Noong tayo’y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin” (Rom. 5:8). Pagkalipas ng tatlong araw, binuhay Siyang muli ng Kanyang Ama (Mat. 28:1-8).
Kapag nagsisi tayo at tinanggap ang kahanga-hangang pagibig ng Dios, magiging Tagapagligtas natin ang Panginoong Jesus sa kaparusahan sa ating mga kasalanan. Magiging Panginoon din natin Siya, Guro at ating Kaibigan (Roma 5:9; Juan 13:14; Mateo 23:8; Juan 15:14).
Naghahanap ka ba ng magmamahal sa iyo? Mahal na mahal ka ng Panginoong Jesus. Walang kapantay ang Kanyang pag-ibig. Kahanga-hanga Siyang tunay. —Anne Cetas
Pagkakatawang-tao ng Dios, kahanga-hangang pag-isipan;
Inako Niya ang parusa sa ating kasalanan
Upang ang tulad ko na isang makasalanan
Ay Kanyang mabigyan ng buhay na walang hanggan.
Pinahahalagahan ng mundo ang kaunlaran, pinahahalagahan naman ng Dios ang katapatan.
Our Daily Bread Resources