Kasalanan: Ugat ng mga problema sa mundo
Nais ng isang mabuting magulang na kusa silang mahalin ng kanilang mga anak at hindi napipilitan lang. Kaya naman, ipinapadama ng isang magulang ang pagmamahal sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng pagtustos sa kanilang mga pangangailangan, pag-aaruga sa kanila nang maayos at pagprotekta laban sa anumang makakasama sa kanila. Minamahal naman ng anak ang kanyang mga magulang sa pamamagitan ng pagsunod sa kanilang mga ninanais at hindi naman gagawa ang anak ng isang bagay na ikalulungkot ng kanyang mga magulang.
Gayon din naman ang nais ng Dios na maging relasyon Niya sa atin. Nang nilikha ng Dios sina Adan at Eba, binigyan sila ng Dios ng kakayahang sumunod sa Kanya. Binigyan din sila ng kalayaan na magdesisyon kung nais ba nilang sundin at mahalin ang Dios. Nais kasi ng Dios na bukal sa loob ang pagmamahal nina Adan at Eba sa Kanya at hindi sapilitan.
Sinabi noon ng Dios kina Adan at Eba na maaari nilang kainin ang lahat ng bunga ng mga punong kahoy sa hardin, maliban sa bunga ng isang puno na ipinagbabawal ng Dios na kainin. Sa pamamagitan ng utos na iyon, binigyan sila ng Dios ng pagkakataon kung susunod sila o hindi sa sinabi ng Dios.
Ang nakakalungkot, nagdesisyon sina Adan at Eba na sumuway sa ipinag-uutos ng Dios. Sinuway nila ang kaisa-isang utos ng Dios – ang huwag kainin ang bunga ng puno na ipinagbabawal ng Dios. Inaakala ng marami na mansanas ang bungang iyon, pero walang sinasabi ang Biblia tungkol sa kung ano mismo ito. Sumuway sila kahit na sinabi ng Dios na mamamatay sila kapag kinain nila iyon. Dahil sa kanilang pagsuway, pumasok sa mundo ang kasalanan.
Ano ba ang kasalanan? Ang kasalanan ay pagsuway sa nais ng Dios at hindi pag-abot sa Kanyang pamantayan. Habang sumusunod sina Adan at Eba, nalulugod ang Dios. Pero nang sumuway sila sa Dios sa pamamagitan ng pagkain sa bungang ipinagbawal ng Dios, para na rin silang nagdesisyon na huwag nang magpasailalim sa Dios. Ang malala pang nangyari, nagbunga ang ginawa nilang pagsuway na nagkaroon ng masamang epekto sa sangkatauhan. Namuhay rin ang mga anak nina Eba at Adan na ginagawa ang sarili nilang kagustuhan at hindi sumusunod sa nais ng Dios.
Patuloy na namuhay nang makasalanan at makasarili ang tao. Ginagawa nila kung ano lang ang nais nila at hindi kung ano ang nais ng Dios. Wala silang pakialam kung nalulugod man o hindi ang Dios sa ginagawa nila. Kaya naman, para silang isang batang pasaway na lalong lumalayo ang loob sa kanilang mga magulang.
Nasira ang magandang relasyon ng tao sa Dios at maging sa kanilang kapwa. At habang tumatagal lalong lumalala ang nasirang relasyon ng tao sa Dios. Kahit na ipinapadama ng Dios ang Kanyang pagmamahal – ayaw pa rin nilang magbalik loob sa Dios. May mga tao na ayaw sumunod sa Dios at maging sa mga namumuno sa kanila. May mga tao naman na nang-aapi ng kapwa nila at nagmamalupit sa iba. Kaya naman, sa halip na tinatamasa natin ang pagmamahal at kapayapaan, nararanasan natin ang matakot, magalit, mamuhi, at mapuno ng sama ng loob.
Ang kamatayan ang isa pang epekto ng kasalanan nina Adan at Eba. Nagbigay ng babala noon ang Dios na kapag kinain nila ang ipinagbabawal na bunga ay mamamatay sila. Bakit kaya hahantong sa kamatayan ang simpleng pagkain ng bunga? Alam kasi ng Dios na kapag sumuway sila sa sinabi Niya, mapuputol ang kaugnayan nila sa Dios na nagbibigay-buhay. Para silang Electric Fan na nahugot sa saksakan ng kuryente kaya namatay.
Ang kamatayang tinutukoy rito ay kamatayang pisikal ng katawan at pati na rin ng ating espiritu. Mayroon tayong katawan na nagkakasakit, nanghihina at sa huli mamamatay. Mayroon din tayong espiritu na mamamatay sa pamamagitan ng walang hanggang pagkahiwalay sa Dios. Dahil sa ating mga kasalanan, hindi maaaring makapiling ng ating espiritu ang banal at matuwid na Dios. Hahatulan din tayo ng Dios sa ating mga kasalanan tulad ng nangyari kina Adan at Eba. Ito ang pamantayan ng Dios na kailangang sundin ng sangkatauhan.
Ang pagkasira ng relasyon ng tao sa Dios ay nagdudulot ng kawalan ng pag-asa. Tulad ng isang taong naliligaw at nawawalan na ng pag-asa na makakarating pa sa kanyang pupuntahan, marami rin sa atin ang ganoon ang nararanasan. Marami ang dumaranas ng kawalan ng pag-asa sa buhay. Minsan naman, nararanasan nating malungkot kahit wala namang dahilan. Marahil, bunga iyon ng ating sirang relasyon sa Dios. Naputol kasi ang ating kaugnayan sa Kanya dahil sa kasalanan.
Nalaman na natin kung bakit puro problema ang nangyayari sa mundo. Kahit ginawa ng Dios na perpekto ang mundo, mas pinili pa rin nina Adan at Eba na sumuway sa Dios. Bunga nito, nasira ang kanilang relasyon sa Dios at pinagbayaran nila ang kasalanan na kanilang ginawa. Ganoon din ang ating ginagawa ngayon, sumusuway tayo at hindi natin sinusunod ang nais ng Dios. Kaya naman, hahatulan tayo ng Dios.
Sinabi sa Biblia, “Ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios.” Kailangan nating bigyan-pansin ito dahil sinabi pa sa Biblia, “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” (Roma 3:23; 6:23 ASD).
Ang ibig ba nitong sabihin ay wala na tayong pag-asa? Wala na ba tayong magagawa?
Maaayos ang ating problema sa Kasalanan
Mula noon hanggang ngayon, lagi tayong nagsusumikap na ayusin ang ating problema sa kasalanan at ang bunga nito. Marami tayong ginagawa para malunasan ang malalang sakit at mapahaba ang ating buhay sa pamamagitan ng siyensiya at mga gamot. Sinisikap nating mapanatiling may kaayusan ang lipunan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng batas at pagtuturo sa mga tao ng tamang pag-uugali. Sinisikap din nating maiwasan ang anumang giyera at hindi pagkakaunawaan. Sa gayon, magiging payapa at nagkakaisa ang bawat bansa. Sinisikap natin na ayusin ang ating mga nagawang kasalanan. Kaya, gumagawa tayo ng kabutihan at sumusunod sa mga seremonya ng relihiyon para maranasan natin ang kagandahang-loob ng Dios.
Gayon pa man, kung papansinin natin ang nangyayari sa paligid, hindi tayo nagtagumpay sa nais nating mangyari. Hindi natin maiiwasan ang magkasakit at mamatay. Hindi natin mapipigilan ang pagkakaroon ng giyera at ang paggawa ng masama ng mga tao. At hanggang ngayon, marami sa atin ang naghahanap sa kung ano ang ating layunin sa buhay. Tulad tayo ng isang taong uhaw sa pagmamahal at pagkalinga.
Bakit kaya ganito ang nangyayari? Dahil hindi maayos ang nilalaman ng ating puso. Nawala ang ating kakayahan na manatiling gumawa ng mabuti kahit pagsumikapan pa natin ito. Kahit na nais nating gumawa ng mabuti, parang ang kabaligtaran lagi ang ating nagagawa. Madali rin para sa atin ang magalit. Sa halip na magpatawad at mahabag, mas gusto natin ang makaganti sa nakasakit sa atin. Nagiging likas na sa atin ang isipin ang sariling kapakanan kaysa sa kapakanan ng iba.
Paano ito nangyayari? Iniimpluwensiyahan kasi ng kasalanan ang ating mga desisyon at ginagawa. Kaya naman, nahihirapan tayong gumawa ng mabuti at mas madaling gumawa ng masama. Ang kapangyarihan ng kasalanan ay parang pagkalulong sa bawal na gamot. Inuudyukan at pinupuwersa tayo ng kasalanan na gumawa ng masama kahit na ayaw natin. Nagiging likas na sa atin ang sumuway sa Dios kaysa sa sumunod sa Kanya.
Paano kaya natin maisasaayos ang nilalaman ng ating puso? Paano tayo magiging matuwid sa harapan ng Dios kung pinipigilan tayo ng kasalanan na patuloy na gumawa ng mabuti? Hindi natin ito makakaya sa pamamagitan ng ating sariling kakayahan pero kayang-kaya ng Dios.
Ang Dios lang ang tanging may kakayahan na linisin at iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan. Ang Dios kasi ang ating Manlilikha at tanging may kontrol sa lahat ng bagay. Siya rin ang makakapag-ayos ng ating puso nang sa gayon, hindi na tayo maiimpluwensyahan ng kasalanan at kamatayan. Magkakaroon din tayo nang maayos na relasyon sa Dios at makakapamuhay tayo na kasama Niya. Pero kahit na makakaya ng Dios na iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan, nais kaya ng Dios na iligtas tayo?
Oo naman! Nais kasi ng Dios na makasama tayo kahit na patuloy tayong sumusuway sa Kanya. Naaalala mo ba na inihalintulad ang Dios sa isang magulang na minamahal at inaaruga ang kanyang mga anak? Kaya naman, ang Dios ay tulad ng isang magulang na hindi nagsasawang mahalin ang kanyang mga anak kahit na lumayas ito at itinatanggi ang kanyang ama. Pero mapagpatawad ang Dios, handa Siyang patawarin tayo at muling makasama.
Gayon pa man, kahit na mapagpatawad ang Dios, hindi Niya hahayaan na pagtakpan ang ating mga kasalanan. Alam natin na banal at matuwid ang Dios, hindi Niya maaaring isantabi ang ating kasalanan at magpanggap na parang wala tayong nagawang kasalanan. Kung isasantabi na lang ng Dios ang ating mga kasalanan, sinasalungat ng Dios ang Kanyang katangian na pagiging banal at matuwid.
Ito ang nagpahirap sa ating kalagayan: Kahit na nais ng banal at matuwid na Dios na iligtas tayo sa kaparusahan sa kasalanan, hindi Niya maaaring isantabi na lang ang ating mga ginawa na karapat-dapat parusahan. Gayon pa man, gumawa ang Dios ng paraan para maligtas tayo.