Maging Panatag

Kasama natin ang PANGINOONG Makapangyarihan. Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan. -Salmo 46:11

Basahin: Salmo 46:1-11

Sa panahon natin ngayon, mas madali na lang ang makakuha ng impormasyon tungkol sa iba’t ibang mga bagay. Napupuno ng mga ito ang ating isipan. Dahil dito, mas nagiging mahirap ang paglalaan natin ng oras para sandaling manahimik upang pagbulayan ang Salita ng Dios at manalangin.

Sinasabi naman sa Salmo 46:10, “Tumigil kayo at kilalanin ninyo na Ako ang Dios.” Ipinapaalala nito sa atin na maglaan tayo ng oras para sa Dios. Marami ang nagsasabi na mahalagang bahagi ng kanilang araw ang paglalaan ng oras sa pagbubulay ng Salita ng Dios at ang pananalangin. Sa pamamagitan ng mga ito, mas lalo nilang nakikita ang kabutihan at kadakilaan ng Dios.

Tulad ng sumulat ng Salmo 46, mawawala rin ang ating takot (tal. 2) kapag naranasan natin ang katotohanang “Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan. Siyaʼy laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan” (tal. 1). Sa patuloy na paglalaan ng oras sa Dios, magiging payapa ang ating isip at magkakaroon tayo ng kapanatagan dahil alam natin na ang Dios ang siyang may hawak ng lahat (tal. 10).

Patindi man ng patindi ang kaguluhang nangyayari sa ating mundo, bibigyan tayo ng kapayapaan, kalakasan at kapanatagan ng ating mapagmahal at makapangyarihang Dios. -David C. McCasland

Ama naming Dios, inilalapit po namin sa Inyo ang aming magulong isipan. Ituro po Ninyo sa amin kung paano huminto sandali at kilalanin na Kayo po ang Dios.

Dapat tayong maglaan ng oras sa Dios sa bawat araw at makinig sa Kanya.