Maganda sana kung perpekto ang ating mundo. Walang kasamaan, sakuna at malulubhang sakit na mararanasan. Maganda sana kung makakapamuhay tayo nang mapayapa, walang kaguluhan at pagtatalo sa ating pamilya o lipunan. Maganda rin sana kung hindi na natin kailangan pang alalahanin ang tungkol sa ating kakainin, susuotin at titirhan. Maging ang alalahanin pa kung paano masusuportahan ang ating pamilya kapag nawalan tayo ng trabaho.

Nakakalungkot nga lang dahil hindi ganito ang nangyayari sa ating buhay o mundo.

Marami kasi tayong pinagdaraanang problema. Minsan, dulot ito ng mga tao at ng mga kalamidad. Nakakarinig tayo ng mga balita tungkol sa giyera, kahirapan, krimen at sa kumakalat na mga malulubhang sakit. Nagpapatunay ito na hindi perpekto ang ating mundo.

Nakakarinig tayo ng mga balita tungkol sa giyera, kahirapan, krimen at sa kumakalat na mga malulubhang sakit. Nagpapatunay ito na hindi perpekto ang ating mundo.

Marami rin sa atin ang nakakaranas ng mga mabibigat na problema. Ang iba sa atin ay nahihirapan dahil hindi maayos ang relasyon sa kanyang pamilya, kaibigan o katrabaho. Dumaranas naman ang iba ng malubhang sakit o pagkalulong sa bisyo. Kaya naman maitatanong natin sa ating sarili kung bakit ganito ang nangyayari. Hindi ba puwedeng laging maginhawa ang buhay?

Gayon pa man, alam naman natin na puwedeng maging maayos ang ating buhay dahil nakikita natin na maayos ang buhay ng iba. At marahil, minsan na rin natin naranasan ang buhay na masaya at walang mabibigat na problema. Pero dahil sa naranasan natin ang buhay na masaya, lalo lang tayong nahihirapan kapag humaharap sa mga mabibigat na problema.

Maaaring sa panahon na binabasa mo ang babasahing ito ay may mabigat kang problema. Kaya naman, kailangan nating lahat ng pag-asa. Umaasa tayo na sanamay solusyon pa sa ating mabibigat na problema, umaasa na makakaalis pa sa pangit na kalagayan at umaasa na magiging maayos ang buhay sa hinaharap.

May Pag-asa

Nais naming ikuwento sa inyo ang ilang katotohanan na nagbigay sa amin ng pag-asa nang humarap kami sa mga mabibigat. Hindi mo kailangang sang-ayunan ang lahat ng aming mga pananaw. Nais lang namin na basahin at pag-isipan mo ang mga pananaw na aming sasabihin. Kahit sa palagay namin na malaking tulong ito sa inyo, ikaw pa rin ang makakapagdesisyon kung tatanggapin mo ang aming mga sinasabi.

Kaya naman, kailangan nating lahat ng pag-asa.

Nabanggit sa simula ang tungkol sa mga masasamang nangyayari sa ating buhay at sa mundo. At maaaring itinatanong natin kung bakit ito nangyayari. Maraming tao ang naniniwala na dahil ito sa unti-unting pagkasira ng ating mundo. Nakabatay ito sa paniniwala nila na ang kalawakan ay nagsimula sa pamamagitan ng isang malakas na pagsabog na mas kilala sa tawag na The Big Bang. Naniniwala rin sila na nagmula raw ang tao sa pamamagitan ng isang proseso na tinatawag na Ebolusyon ng Tao. Naniniwala naman ang iba na kahit may makapangyarihang lumikha ng mundo, iniwan naman niya ito at hinayaan na kung ano ang mangyayari sa kanyang mga nilikha.

Pero iba ang sinasabi sa Biblia kung paano nilikha ang mundo. Itinuturo ng Biblia na mayroong iisang Dios na Siyang lumikha ng kalawakan. Kasama roon ang ating mundo, lahat ng nabubuhay at maging ang tao. Sinabi pa sa Biblia na hindi pinabayaan ng Dios ang Kanyang mga nilikha. Patuloy na kumikilos ang Dios para ingatan ang sangkatauhan dahil gusto Niya na magkaroon ng kaugnayan sa kanila. Inilagay ng Dios sina Adan at Eba sa isang lugar kung saan nandoon na ang lahat ng kanilang kailangan. Maganda ang kanilang buhay roon at madalas pa nilang nakakasama at nakakausap ang Dios.

Bakit kaya iyon ginagawa ng Dios? Nais kasi ng Dios na kusa siyang minamahal ng mga tao. Nais din ng Dios na asamin nila na makasama Siya. Katulad ito ng mag-asawa na nagnanais magkaanak dahil gusto nilang matamasa ang saya na kasama ang kanilang anak. Kaya naman, binigyan ng Dios ang tao ng kakayahang magmahal. Nilikha ng Dios ang tao na may pagkakatulad sa Kanyang katangian – may damdamin at may kakayahang magmahal at mahalin. Binigyan Niya rin tayo ng budhi para malaman natin kung ano ang tama na nagpapakita ng magagandang katangian ng Dios tulad ng pagiging mabuti, banal at walang kapintasan.

Itinuturo ng Biblia na mayroong iisang Dios na Siyang lumikha ng kalawakan. Kasama roon ang ating mundo, lahat ng nabubuhay at maging ang mga tao.

Napakaganda ng nilikha ng Dios. Maganda rin ang relasyon ng Dios kina Adan at Eba. Wala ring sakit, problema o kamatayan na kailangang alalahanin.

Hanggang sa nagkaroon ng problema.