Sa Panahong ito, Saan Nanggagaling Ang Aking Saklolo?
Ano ang naidulot sa iyo ng paglaganap ng Novel Coronavirus? Nag-alala ka ba? Natakot? O nagpanic ka rin ba tulad ng marami sa mga tao na nagmadaling pumunta sa mga pamilihan para bumili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at gamot?
Ano naman kaya ang iyong gagawin kung sakaling malaman mo na nagkaroon ng Coronavirus ang isa sa iyong mahal sa buhay?
Higit kong naramdaman ang bigat ng krisis na ito nang malaman ko na dumadalo pala ang aking hipag at ang kanyang anak sa isang simbahan kung saan marami ang nagkaroon ng Coronavirus.
Pero mas higit itong mahirap para sa aking hipag. Nakatakda kasi siyang operahan dahil sa kanyang karamdaman pero hindi ito itinuloy dahil sa lumalaganap na COVID-19. Mahalaga ang operasyong ito para sa hipag ko. Kaya naman, lubos na nag-alala ang kanyang pamilya nang maantala ito.
Lalong nadagdagan ang kanilang pagkabalisa nang sumama ang pakiramdam ng kanyang anak. Kinailangan ng aking hipag, ng aking pamangkin at ng buo nilang pamilya na masuri dahil maaaring nahawa sila sa mga nakasalamuha nila sa simbahan na nagkaroon ng Coronavirus.
Nalulungkot ako at ang aking pamilya sa nangyari sa kanila lalo na’t hindi mabuti ang kalusugan ng aking hipag. Hindi namin maiwasan na matakot at mag-alala dahil sa kanyang kalagayan. Pinapalakas naman namin ang kanyang loob sa pamamagitan ng pagtetext sa kanya. Kasama rin sa aking mga idinadalangin ang aking hipag at ang buo niyang pamilya sa bawat araw.
Sa mga panahong ito, malaki ang naitulong sa akin ng mga talatang matatagpuan sa Salmo 121:1–2:
Tumitingin ako sa mga bundok;
saan kaya nanggagaling ang aking saklolo?
Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa PANGINOON,
na gumawa ng langit at ng lupa.
Tinanong ng manunulat ng salmong ito kung saan kaya nanggagaling ang kanyang saklolo. Malinaw ang nakita niyang kasagutan, “Ang tulong para sa akin ay nanggagaling sa PANGINOON, na gumawa ng langit at ng lupa”
Marahil ay dumaranas din kayo ng iba’t ibang pagsubok sa buhay. Maaaring pagkatakot ito dahil sa paglaganap ng Coronavirus, ng iba pang karamdaman, o ng mga masasamang balita na apektado ang inyong mga mahal sa buhay.
Isang magandang paalala para sa atin ang Salmo 121:1-2 na lagi tayong lumapit sa Panginoon para humingi ng saklolo o tulong. Nauunawaan Niya ang ating mga takot at pangamba. Kontrolado rin Niya ang mga nangyayari kaya hindi tayo dapat maligalig.
At bilang mga nagtitiwala sa Panginoong Jesus, isang kagalakan para sa atin na gumising sa bawat araw na tangan ang pangako ng Dios. Sinasabi sa Panaghoy 3:22-23 (ASD):
Ang pag-ibig at awa ng PANGINOON ay walang katapusan.
Iyan ang dahilan kung bakit hindi tayo lubusang nalipol.
Araw-araw ay ipinapakita Niya ang Kanyang habag.
Dakila ang katapatan ng PANGINOON!
Nawa’y simulan natin ang bawat araw na inaalala at pinasasalamatan ang Dios dahil sa ipinapakita Niya sa atin na kahabagan sa araw-araw. —C. H. Tan
Panginoon, batid po Ninyo ang aking mga ikinakatakot at dinaranas na paghihirap. Maraming salamat po sa Inyong pangako na Inyo pong ipapakita sa amin ang Inyong habag sa bawat araw. O Panginoon na lumalang ng langit at ng lupa, salamat po dahil maaari po akong lumapit sa Inyo at alam ko pong ako’y Inyong tutulungan, aaliwin at bibigyan ng kapanatagan.