Matatalo Mo!
Basahin: Mateo 28:1-10
“Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?” –1 Corinto 15:55 MBB
May narinig akong isang patalastas sa radyo. Ang narinig kong sinabi ay matatalo daw natin ang kamatayan. Dumalo daw sa kanilang seminar para malaman kung paano. Inisip ko kung ano ang imumungkahi sa seminar na dapat gawin. Kailangan bang mag-ingat sa pagkain o magehersisyo? Habang pinakikinggan ko ang sinasabi sa radyo, mali pala ang dinig ko. Debt (utang) at hindi naman pala death (kamatayan) ang kanyang sinabi.
Ang pinakamagandang balita sa lahat ay matatalo talaga natin ang kamatayan dahil binayaran ni Hesus ang ating ‘utang’ o ang ating kasalanan sa Dios (1 Corinto 15:55-57). Inialay ni Hesus ang Kanyang buhay at namatay Siya sa krus para bayaran ang ating kasalanan. Ang maganda pa dito, nabuhay Siyang muli.
Nang pumunta sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa libingan ni Hesus noong araw ng Linggo, sinabi sa kanila ng anghel na wala na sa libingan si Hesus dahil muli Siyang nabuhay (Mateo 28:6). Tuwang-tuwa sina Maria Magdalena at umalis para ibalita ito sa mga alagad ni Hesus. Sinalubong naman sila ni Hesus sa daan (talatang 9). Nabuhay na muli si Hesus kaya may dahilang magsaya ang mga tagasunod Niya.
Ipinahiwatig sa 1 Corinto 15:55 na sa darating na panahon, bubuhaying muli ng Dios ang mga mananampalatayang pumanaw na. Sa pamamagitan ng pagtitiwala kay Hesus, matatalo natin ang kamatayan.
Isinulat ni: Anne Cetas
Panalangin: Salamat po Panginoon dahil sa Inyong muling
pagkabuhay ay matitiyak namin na makakasama namin
Kayo sa lugar na wala nang kamatayan. Amen.
Binayaran ni Hesus ang parusa sa ating kasalanan.