Tanggapin ang Alok ng Dios

Ang Dios Ama ay hindi lang mabuti at mapagmahal na Dios, sa halip Siya rin ang Dios ng kagandahang-loob. Ibig sabihin, walang anumang kundisyon ang kinakailangan para matanggap ang regalo ng Dios na kapatawaran sa kaparusahan sa kasalanan. Hindi mo kailangang maging mabuti o gumawa ng paraan sa sariling pagsisikap para matamo mo ang kaligtasan. Kailangan mo lang umasa sa Panginoong Jesus na ililigtas ka Niya. Kailangan mo lang aminin na makasalanan ka at wala kang kakayahan na iligtas ang iyong sarili sa kaparusahan sa kasalanan. Magtiwala ka kay Jesus na Siya ay namatay para akuin ang kasalanan mo. Nang sa gayon, maging matuwid ka sa harapan ng Dios. Magtiwala ka kay Jesus bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas. Ganyan lang kasimple ang dapat mong gawin.

Namatay si Jesus para akuin ang kasalanan mo. Magtiwala ka kay Jesus bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas.

Kung sa palagay mo ay makakatulong sa iyo ang inaalok ng Dios, isipin mo na regalo Niya ito sa iyo. Libre ito at walang anumang kundisyon na hinihingi ang Dios. Pero gayon pa man, kailangan mong tanggapin at pagtiwalaan ang nagbigay sa iyo ng kaligtasan.

Sinasabi sa Biblia, “Kung ipapahayag mo na si Jesus ay Panginoon at sasampalataya ka nang buong puso na muli Siyang binuhay ng Dios, maliligtas ka” (Roma 10:9 ASD).

Ano ang maitutulong sa iyo nito

Bago ka magdesisyon kung tatanggapin mo ba ang inaalok ng Dios na kaligtasan sa kaparusahan sa kasalanan, maaaring maitanong mo sa sarili kung ano ang mangyayari pagkatapos mong magtiwala kay Jesus at tanggapin ang inaalok Niya.

Kung magtitiwala ka kay Jesus, maraming magagandang bagay ang mangyayari.

Isa na rito ang kapatawaran ng Dios sa iyong mga kasalanan. Sa pamamagitan ng pag-aalay ni Jesus ng Kanyang buhay sa krus, magiging maayos ang iyong relasyon sa Dios. Binayaran na rin ni Jesus ang kabayarang hinihingi ng kasalanan. Sa gayon, magiging matuwid ka sa harapan ng Dios. Ipinangako pa ng Dios na ituturing ka Niyang anak at makakasama mo Siya. Makakaasa ka rin na lubos kang mamahalin ng Dios tulad ng pagmamahal ng isang magulang sa kanyang anak. Kaya, anuman ang kalagayan o nagawa mong kasalanan noon, pinatawad na ito ng Dios dahil sa kamatayan ni Jesus.

Tutulungan ka rin ng Dios na baguhin ang iyong pamumuhay at tuturuan ka Niya kung paano mamuhay nang ayon sa nais ng Dios.

Ang maayos na relasyon na ito sa Dios ay magpakailanman, hanggang mamatay ang ating katawan. Ibig sabihin, hindi na natin kailangan pang katakutan ang kamatayan. Makakapamuhay tayo na puno ng pag-asa dahil ang kamatayan ay magiging daan na lamang para makasama ang Dios sa perpektong lugar kung nasaan Siya.

Sinabi pa sa Biblia na muling babalik si Jesus dito sa mundo. Sa panahon na mangyari iyon, babaguhin ng Dios ang ating katawan na tulad nang kay Jesus. Gagawin Niyang perpekto ang ating katawan. Ipinangako pa ng Dios na babaguhin at ililigtas Niya ang ating buong pagkatao at hindi lamang ang ating kaluluwa.

Kung magtitiwala tayo kay Jesus, ngayon pa lang, mararanasan na natin ang maayos na relasyon sa Dios.

Ibig sabihin, ang bagong buhay mo bilang nagtitiwala kay Jesus ay puno ng pag-asa. Hindi ka na rin mamumuhay na para bang walang layunin at kahulugan ang buhay.

Ang pagtanggap sa regalo ng Dios at pagtitiwala sa Kanya ay hindi nangangahulugan na hindi na tayo makakaranas ng mga problema sa buhay. Makakaranas pa rin tayo ng mga pagsubok at problema habang nandito tayo sa mundo. Pero ang pagkakaiba lang ay kasama na natin ang Dios sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay. Nangako Siya na sasamahan Niya tayo palagi. Makakalapit tayo sa Dios para humingi ng tulong anumang oras o kahit saan man tayo naroroon. Palalakasin ng Dios ang ating loob, gagabayan at tutulungan hanggang umayon sa nais Niya ang ating buong pagkatao. Maipagkakatiwala mo sa Dios na siyang lumikha at may kontrol sa lahat ng bagay ang bawat pangyayari sa iyong buhay.

Ibig sabihin, ang bagong buhay mo bilang nagtitiwala kay Jesus ay puno ng pag-asa. Hindi ka na rin mamumuhay na para bang walang layunin at kahulugan ang buhay. Sa halip, mamumuhay kang may layunin sa buhay at may tiyak na pinanghahawakang pangako ng Dios na bibigyan ka Niya ng buhay na walang hanggan.

Ano ang dapat mong gawin?

Handa ka na bang magtiwala at sumunod sa Panginoong Jesus?

Humanap ka ng isang lugar na tahimik na maaari mong sabihin sa Dios na tinatanggap mo ang iniaalok Niyang kapatawaran sa kaparusahan sa kasalanan. Magtiwala ka sa Panginoong Jesus na namatay sa krus at muling nabuhay. Tanggapin mo Siya bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas. Laging nakikinig ang Dios sa atin, kaya kausapin mo ang Dios na para bang kaharap mo lang Siya. Kung may kakilala ka na nagtitiwala kay Jesus, maaari mo siyang puntahan para samahan kang manalangin. Ipaalam mo sa kanya na nais mong magtiwala sa Panginoong Jesus.

May halimbawa ng isang panalangin na mababasa mo sa ibaba. Ang mga salitang iyon ay gabay lamang. Ang higit na mahalaga ay ang nilalaman ng iyong puso at kung gaano katotoo ang iyong desisyon na magtiwala sa Panginoon. Iyon din ang mahalaga sa Dios.

Dios Ama, nagkasala po ako sa Inyo. Nagtitiwala po ako kay Jesus na iyong Anak, na Siyang ay namatay sa krus para bayaran ang kaparuasahan sa aking mga kasalanan at muli Siyang nabuhay para patunayan na maliligtas Niya ako.

Tinatanggap ko po ngayon ang iniaalok Ninyong kaligtasan, kapatawaran at buhay na walang hanggan. Tinatanggap at pinagtitiwalaan ko po ang Panginoong Jesus na iyong inihandog para sa aking kaligtasan. Nais ko pong sumunod sa Kanya bilang aking Panginoon.

Ano na ang susunod na mangyayari?

Pagkatapos mong kausapin ang Dios sa pamamagitan ng isang panalangin, ang kailangan mong gawin ay isapamuhay ang bagong buhay na kasama ang Dios. Patatagin mo ang iyong pananampalataya at ang iyong maayos na relasyon sa Kanya. May ilang mga halimbawa kung paano mo ito gagawin na mababasa sa ibaba.

Pero kung nagdadalawang-isip ka pa rin kung magtitiwala ka ba kay Jesus, huwag kang mag-alala dahil maaari mo pa ring gawin ang mga halimbawa para lalo mo pang makilala si Jesus bago ka magtiwala sa Kanya.

Laging manalangin. Ngayong kabilang ka na sa pamilya ng Dios, bilang Kanyang anak, maaari mo Siyang kausapin anumang oras. Lagi Siyang nakikinig at gustong-gusto ka N’yang kausap. Maaari mong sabihin sa Dios ang lahat nang bumabagabag sa iyo, kinakatakutan mo o mga pangangailangan mo. Sabihin mo sa Dios ang mga alalahanin mo at maging ang mga masasayang pangyayari sa buhay mo. Maglaan ka ng panahon para kausapin ang Dios araw-araw. Mapapansin mo na lalong titibay ang iyong pananampalataya at lalong lalalim ang iyong relasyon sa Dios.

Laging magbasa ng Biblia. Mensahe ito ng Dios para sa atin. Naglalaman ito ng mga katotohanan tungkol mismo sa Dios. Malalaman din natin ang tungkol sa plano ng Dios na pagliligtas sa sangkatauhan at pagnanais Niya na makasama tayo. Gayon pa man, maaaring kailanganin mo ang tulong sa pagbabasa at pag-unawa sa Salita ng Dios. Humingi ka ng tulong sa kapwa mo nagtitiwala kay Jesus o sa kapulungan ng mga nagtitiwala kay Jesus.

Laging dumalo sa pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus. Bilang nagtitiwala kay Jesus, maaari kang dumalo sa mga pagtitipon ng mga kapwa mo nagtitiwala kay Jesus. Sa pamamagitan nito, mapapalakas ang loob ng isa’t isa habang patuloy kayong sumasamba at nagpupuri sa Dios. Marami ka ring matututunan tungkol sa kung paano kumikilos ang Dios sa buhay nila na magdudulot para lalo mo pang makilala ang Dios. Tayong mga nagtitiwala kay Jesus ay mga makasalanan na pinatawad ng Dios at may iisang layunin na lalong tumibay ang pananampalataya sa Kanya. Kaya naman, hinihikayat kita na dumalo sa pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus. Tanungin mo ang iyong kaibigan na may maayos na ring relasyon sa Dios na isama ka sa kanilang pagtitipon.