Malapit nang pumanaw si Charla at alam niya ito. Habang nasa ospital, pumasok ang doktor niya at ilang nakababatang doktor. Ilang minuto siyang hindi pinansin ng doktor habang pinapaliwanag sa mga ito ang sakit niyang wala nang lunas. Sa wakas hinarap siya ng doktor at sinabi, “Kamusta ka?” Ngumiti si Charla at ibinahagi ang pag-asa at kapayapaan niya kay Jesus.

Dalawang libong taon na ang nakalipas nang ipinako sa krus ang sugatang katawan ni Jesus para makita ng mga tao. Pagagalitan ba Niya ang mga nagpapahirap sa Kanya? Hindi. “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34 MBB).

Kahit mali ang hatol at pagkakapako sa Kanya, pinagdasal Niya ang mga kalaban. Sinabi rin Niya sa isang kriminal na nakapako rin na – dahil sa pananampalataya nito – “Isasama kita ngayon sa paraiso” (Tal. 43). Sa panahon ng pasakit at kahihiyan, pinili ni Jesus na magbahagi ng pag-asa at buhay dahil sa pag-ibig Niya sa kanila.

Nang matapos ni Charla ibahagi si Jesus sa mga nakikinig, ibinalik niya ang tanong sa doktor. Magiliw niyang tiningnan ang luhaang mata ng doktor at tinanong, “Ikaw, kamusta?” Sa kagandahang-loob at kapangyarihan ni Jesus, nagbahagi siya ng salitang nakapagbibigay buhay, nagpapakita ng pag-ibig at malasakit sa mga nasa paligid niya. Ano man ang hirap na haharapin natin ngayon o sa mga susunod na araw, magtiwala tayo sa Dios na nagbibigay ng lakas ng loob para mangusap ng mga salitang nagbibigay-buhay.