May isang babaing nagngangalang Janet na nagturo ng Ingles sa ibang bansa. Naramdaman niya na parang hindi masaya ang mga nagtatrabaho doon. Hindi sila nagtutulungan o nagpapalakas ng loob ng isa’t isa. Pero dahil masaya si Janet at ipinagpapasalamat niya sa Dios ang mga ginawa ng Dios para sa kanya, nakikita ito sa mga ginagawa niya. Nginingitian niya ang mga kasama niya sa trabaho. Nakikipagkaibigan siya sa kanila at tinutulungan din niya sila.
Unti-unti, nagiging masaya na din ang mga kasama ni Janet sa trabaho. Ngumingiti na sila at nagtutulungan. Nang may bumisita sa eskwelahang iyon, tinanong nito ang punong-guro kung bakit naiiba ang kanilang eskwelahan. Hindi nagtitiwala sa Panginoong Jesus ang punong-guro pero ito ang sagot niya: “Masaya kami dahil kay Jesus.” Ang kagalakang mula sa Panginoon na nadarama ni Janet ay nag-uumapaw kung kaya’t nadama din ito ng mga tao sa paligid.
Malalaman natin sa aklat ng Lucas na nagsugo ang Dios ng anghel para sabihin sa mga pastol na isinilang na si Jesus. Sinabi ng anghel na magdudulot ng kagalakan sa lahat ng tao ang pagsilang ni Jesus (Lucas 2:10) at totoo nga iyon.
Mula noon, ang kagalakang dulot ng pagsilang ni Jesus ay ipinadarama na sa iba ng mga nagtitiwala kay Jesus. Naipadarama nila ito sa pamamagitan ng paggaya kay Jesus at paglilingkod sa kanilang kapwa.