Ang aming kapilya ay nilalagyan ng mga dekorasyon kapag nalalapit na ang Pasko. Naisip ng mga naglalagay ng dekorasyon na mga listahan ng pamasko ang gagawin nilang dekorasyon. Binigyan nila ang bawat isa ng maliliit na papel. May kulay pula at may berde. Isusulat nila sa papel kung ano ang gusto nilang regalo kay Jesus. Tapos, sa likod ng papel ay isusulat naman nila ang regalo nila kay Jesus.
Kung gagawin natin iyon, ano ang hihilingin mong regalo kay Jesus at ano naman ang ibibigay mo sa Kanya? Kung titingin tayo sa Biblia, marami tayong maiisip na puwede nating hilingin. Ipinangako ng Dios na ibibigay Niya ang mga pangangailangan natin kaya puwede tayong humiling ng bagong trabaho, o ng solusyon sa problema sa pera, paggaling sa sakit natin o ng iba, o kaya naman ay maibalik sa dati ang nasirang relasyon. Maaaring nais din nating malaman ang kakayahan na ibinigay ng Dios sa atin para maging kagamit-gamit tayo sa Kanya. Marami sa mga kakayahang ito ay mababasa sa ika-12 kabanata ng Roma at ng 1 Corinto. Maaari din nating hilingin na sana’y makita sa atin ang magagandang katangian na nagmumula sa Banal na Espiritu (Galacia 5:22-23).
Ang pinakamagandang regalo na maaari nating matanggap sa Dios ay ang Kanyang Anak, ang kapatawaran sa ating mga kasalanan, maayos na relasyon sa Dios at ang buhay na walang hanggan. Ang pinakamagandang regalong maibibigay naman natin sa Kanya ay ang mahalin Siya.