Kung minsan ay nagbibiro ako na gagawa ako ng libro na ang pamagat ay Nasa Oras. Napapangiti naman ang mga nakakakilala sa akin. Madalas kasi akong hindi dumarating sa oras. Lagi kasing kulang ang oras ko para matapos ang mga gusto kong gawin bago umalis sa bahay. Bunga nito, lagi akong humihingi ng pasensya dahil hindi ako dumarating sa oras.
Ang Dios naman ay laging nasa oras. Maaaring isipin natin na huli Siya pero hindi naman. Sa Biblia ay may mababasa tayong mga nainip sa Dios. Isa sa mga ito ay ang mga Israelita. Hintay sila nang hintay sa katuparan ng ipinangako ng Dios sa kanila na darating ang haring hinirang ng Dios na maghahari sa sanlibutan. Nawalan na ng pag-asa ang iba pero hindi ang matandang sina Simeon at Ana. Pumupunta sila sa templo at nananalangin doon araw-araw. Hinihintay nila ang ipinangako ng Dios (Lucas 2:25-26,37). Ginantimpalaan naman ng Dios ang kanilang pagtitiwala sa Kanya. Nakita nila ang sanggol na si Jesus nang dalhin ito nina Maria at Jose sa templo para ihandog sa Dios (talatang 27-32,38).
Kapag pinanghihinaan tayo ng loob dahil hindi tayo tinutugon ng Dios sa panahon na gusto natin, ipinapaalala ng Pasko na kumikilos ang Dios sa takdang panahon. Sinabi sa Biblia, “Nang sumapit ang tamang panahon, isinugo ng Dios ang Kanyang Anak…Sa gayon, tayo'y maituturing na mga anak ng Dios” (Galacia 4:4-5 MBB).
Kumikilos ang Dios sa tamang panahon at sulit ang paghihintay natin.