Matapos kong isilang ang aking anak na si Allen, sinabi ng doktor na kailangan siyang dalhin sa ibang ospital para maoperahan agad. Mapanganib kasi ang kondisyon niya na maaari niyang ikamatay.
Magkakaroon ng malaking epekto sa buhay mo ang malaman na may malubhang sakit ang anak mo. Mapupuno ka ng takot at tatawag ka sa Dios na Siyang magbibigay sa iyo ng kalakasan.
Mapapaisip ka kung bakit hinayaang mangyari ito ng Dios. Magkakaroon ka ng mga katanungan kung nagmamalasakit ba ang Dios sa iyong anak? At kung nalalaman ba Niya ang mga nangyayari? Ito ang mga katanungang sumagi sa aking isipan na sumubok sa pananampalataya ko sa Dios.
Nang malaman ng aking asawa ang kalagayan ng aming anak, sinamahan niya ako na manalangin. Nanalangin siya ng ganito, “Salamat po, Ama, dahil ibinigay Mo sa amin si Allen. Siya po ay nagmula sa Inyo at siya’y Inyong pag-aari. Minahal Mo po siya nang lubos bago Mo siya ipagkaloob sa amin. Gabayan Mo po siya sa oras na wala kami sa kanyang tabi.”
Hindi masyadong nagsasabi ng saloobin ang aking asawa. Pero sa pagkakataon na nawalan ako ng pag-asa, binigyan siya ng Dios ng lakas na bigkasin ang mga salitang hindi ko masabi. At nang marinig ko ang kanyang panalangin, naramdaman ko na ang Dios ay malapit at kasama namin.