Makikita sa dating kulungan sa China ang dambana ng isang lalaking namatay noong 1945. Ganito ang mababasa sa dambana, “Ipinanganak sa Tianjin si Eric Liddell noong 1902. Ang pinakamatagumpay na bahagi ng kanyang buhay ay nang manalo siya ng gintong medalya sa larangan ng pagtakbo noong 1924 sa Olympic Games. Bumalik siya sa China para maging isang guro sa Tianjin. Inilaan niya ang kanyang buong buhay sa pagtuturo sa mga kabataan at panghihikayat sa kanila na gawin ang kanilang buong makakaya para sa ikabubuti ng mga tao.”
Para sa iba, ang nakamit ni Eric sa larangan ng pagtakbo ang pinakamatagumpay na sandali ng kanyang buhay. Pero hindi lang siya doon naaalala. Naaalala rin siya sa kanyang paglalaan ng panahon at pagmamalasakit sa mga kabataan ng Tianjin sa China. Ang bansa kung saan siya ipinanganak at lubos niyang minamahal. Namuhay at naglingkod si Eric sa iba nang may pagtitiwala sa Dios.
Mababasa naman sa Hebreo 11 ng Biblia ang listahan ng mga taong nagtitiwala sa Dios. Kabilang dito si Moises na mas pinili na maglingkod sa bayan ng Dios kaysa sa tamasahin ang kayamanan ng Egipto (TAL. 26). Pinangunahan at pinaglingkuran ni Moises ang mga Israelita nang may pagtitiwala sa Dios.