Natatanaw mula sa bintana ng eroplanong aking sinasakyan ang isang masaganang bukid na nasa pagitan ng dalawang tigang na bundok. Makikita rin doon ang isang ilog na siyang nagbibigay ng tubig sa bukid.
Nakabatay ang masaganang ani sa kung gaano karaming tubig ang naibibigay sa mga tanim. Nakabatay rin naman sa dami ng panahon ng paglalaan sa Salita ng Dios ang magiging magandang bunga ng mga sinasabi, ginagawa at inaasal natin. May mababasa tayo sa Biblia tungkol dito. Ang taong “nagagalak sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon...ay tulad ng punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa, na namumunga sa takdang panahon” (AWIT 1:1-3 ASD). Sinabi naman ni Pablo sa Galacia 5 na ang taong namumuhay sa gabay ng Banal na Espiritu ay may “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabutihan, kagandahang-loob, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili” (TAL. 22-23 ASD).
May pagkakataon na nakakapagsabi at nakakagawa ako ng mga bagay na hindi tama. Sa pangyayaring iyon, napagtanto ko na hindi na pala ako nakapaglalaan ng panahon para magbasa at makinig ng Salita ng Dios. Wala itong magandang naidudulot sa akin. Pero napansin ko na sa tuwing naglalaan ako ng panahon at umaasa sa Dios, laging may magandang idinudulot ito sa akin. Humahaba ang aking pasensya sa iba at nagiging mapagpa-kumbaba. Mas nagiging mapagpasalamat din ako kaysa sa puro reklamo.
Sa Dios nagmumula ang ating kalakasan, karunungan, kagalakan, pang-unawa, at kapayapaan (AWIT 119:28, 98, 111, 144, 165). Nawa’y mamuhay tayo nang naaayon sa pagkilos ng Espiritu ng Dios sa ating buhay.