Bago ipako sa krus si Jesus, ibinuhos ni Maria ang mamahaling pabango sa mga paa ni Jesus. Pero ang kamangha-mangha sa ginawa ni Maria ay pinunasan Niya ang pabango sa paa ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang mga buhok (JUAN 12:3). Hindi lang inialay ni Maria kung ano ang meron siya kundi pati ang kanyang iniingatang reputasyon. Sa kultura noon nila Maria, hinding-hindi ilulugay ng isang marangal na babae ang kanyang buhok sa harap ng madla. Pero ang tunay na nais sumamba sa Dios ay hindi inaalala kung anuman ang iisipin ng iba (2 SAMUEL 6:21-22). Sa pagnanais ni Maria na sambahin si Jesus, handa siyang paratangan ng mga tao na hindi marangal na babae.
Marami naman sa atin ang nagsusumikap na laging maging marangal at mabuti ang kalagayan sa tuwing pumupunta sa simbahan. Nais nating isipin ng mga kapwa natin sumasampalataya kay Jesus na maayos tayo. Ginagawa natin ang lahat para ang mabubuting bagay lang ang makikita nila sa atin. Pero ang simbahan ay lugar kung saan hindi mo kailangang magpanggap na perpekto ka. Sa halip na itago ang mga kahinaan, maaari mong ipakita ang iyong mga kahinaan sa gayon matutulungan ka ng iba.
Ang pagsamba ay hindi pagpapakita na para bang walang nangyayaring mali sa buhay. Ang pagsamba ay pagpapakita ng ating maayos na relasyon sa Dios at sa kapwa mananampalataya. Kung ang ating ikinakatakot ay ang makita ng iba na hindi tayo mabuti, maaari namang ang isa sa matinding nagagawa nating kasalanan ay ang pagpapanggap na mabuti tayo.