Ayon kay Henri Nouwen ang komunidad ay isang lugar kung saan nakatira ang iba’t ibang uri ng tao na kadalasa’y mga hindi natin gustong makasama. Natural sa ating mga tao na magnais makasama ang mga taong gusto natin kaya naman bumubuo tayo ng samahan, hindi ng komunidad. Makakabuo ang kahit sino ng samahan pero mahirap ang bumuo ng isang komunidad. Nangangailangan ito ng kagandahang loob, magkakaparehas na pananaw at ibayong pagsisikap.
Nagawa ito ng kalipunan ng mga sumasampalataya kay Jesus. Ito ang kauna-unahang institusyon sa kasaysayan na nagawang pagbuklurin ang magkakaibang uri ng tao, mga Judio at Hentil, kalalakihan at kababaihan, alipin at malaya. Sinabi ni Pablo na sa pamamagitan ng pagbuo ng komunidad na kinabibilangan ng iba’t ibang uri ng tao, makukuha nating mga mananampalataya ang atensyon ng mundo at maipapahayag sa mga namumuno at may kapangyarihan sa kalangitan ang karunungan ng Dios (EFESO 3:9-10).
Nakakalungkot isipin na minsan ay hindi ito nagagawa ng mga mananampalataya. Gayon pa man, ang lugar sambahan ng mga mananampalataya ang siya pa ring lugar kung saan nagkakasama-sama ang mga magkakaibang uri ng tao.
Kung gusto nating maranasan ang komunidad ayon sa nais ng Dios, sikapin nating tanggapin ang mga taong walang pagkakatulad sa atin.