Isang babaeng may sakit ang matiyagang nananalangin kasama ang kanyang pamilya at umaasang hindi sana malubha ang sakit niya. Nang sabihin ng doktor na kanser ito, parang gumuho ang kanyang mundo. Naisip niya kung ano na ang mangyayari sa kanyang asawa’t mga anak at kung ano na ang gagawin nila. Habang pumapatak ang mga luha sa mata ng babae, nanalangin siyang muli, “Panginoon, wala po kaming magagawa sa sitwasyong ito. Kayo po ang maging kalakasan namin."
Ano ang gagawin natin kapag may nangyari na hindi natin kayang kontrolin tulad ng pagkakaroon ng isang malubhang sakit? Kanino at saan tayo lalapit kung nawawalan na tayo ng pag-asa?
Hindi rin kontrolado ng propetang si Habakuk ang kanilang sitwasyon at lubos siyang natakot dahil nahaharap sila sa matinding hatol (HABAKUK 3:16-17). Pero sa kabila ng kaguluhang mararanasan nila, pinili pa rin ni Habakuk na magtiwala at magalak sa Dios (TAL. 2:4, 3:18). Hindi siya nagtiwala sa kanyang kakayahan o sa mga bagay na mayroon siya kundi sa kabutihan at kadakilaan ng Dios. Ang kanyang pagtitiwala sa Panginoon ang nag-udyok sa kanya para sabihing, “Ang Dios, ang Panginoon, ay aking kalakasan; ginagawa Niya ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa, pinalalakad Niya ako sa aking matataas na dako” (TAL. 19).
Magtiwala tayo sa Dios sa tuwing humaharap tayo sa mga mahihirap na sitwasyon. Kasama natin Siya sa lahat ng haharapin nating problema.