Nagkikita kami tuwing Martes ng dating bilanggo na si Mary. Nasa isang lugar siya para sa mga lumayang bilanggo na nais magbagong buhay. Maaaring malaki ang pagkakaiba ng buhay ko kay Mary. Kakalabas niya lang sa kulungan, nagpapagaling sa pagkalulong sa droga at hiwalay sa kanyang anak. Masasabi rin natin na mahirap lang ang buhay niya.

Mahirap din naman ang buhay ni Onesimo na binanggit sa Biblia. Isa siyang alipin. Nabilanggo siya dahil sa nagawa niyang kasalanan sa kanyang amo na si Filemon. Pero nagtiwala si Onesimo sa Panginoong Jesus nang magkita sila ni apostol Pablo sa kulungan (TAL. 10). Kahit na nagtitiwala si Onesimo kay Jesus, maituturing pa rin siyang alipin. Kaya naman, sumulat si Pablo para kay Filemon na muling tanggapin si Onesimo “hindi lamang bilang isang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid” (FILEMON 1:16 MBB).

Kailangang magdesisyon ni Filemon kung tatanggapin niya ba si Onesimo bilang isang kapatid sa Panginoon o bilang isang alipin. Gayon din naman, kailangan ko rin magdesisyon kung ituturing ko bang isang dating adik si Mary o isang taong binago na ng Dios. Itinuturing kong kapwa nagtitiwala kay Jesus si Mary. Masaya akong makasama siya habang patuloy na nagtitiwala sa Dios.

Ang kalagayan sa buhay at pagkakaiba ng kultura ay parang harang na maaaring maghiwalay sa atin sa iba. Pero ang pag-ibig ng Dios ang mag-aalis ng harang na iyon. Kung magtitiwala tayo kay Jesus, babaguhin Niya ang ating buhay at aayusin ang pakikitungo natin sa iba.