Noong ikinasal ako, akala ko'y magkakaanak agad ako. Pero hindi ganoon ang nangyari. Dahil doon, madalas akong umiyak sa Dios. Tinatanong ko Siya, "Hanggang kailan, ako maghihintay, Panginoon?" Hindi ko maintindihan noon kung bakit hindi Niya ako sinasagot kahit alam kong kaya naman Niyang baguhin ang sitwasyon ko.
Naghihintay ka rin ba sa pagsagot ng Dios? Tinatanong mo rin ba siya kung kailan iiral ang hustisya sa mundo o kung kailan ka mawawalan ng utang?
Alam ng propetang si Habakuk ang ganoong pakiramdam. Umiyak din siya sa Dios, “Panginoon, hanggang kailan po ako hihingi ng tulong sa Inyo bago N’yo ako sagutin? Kailan pa po ba Ninyo kami ililigtas sa karahasang ito? Bakit po Ninyo ipinapakita sa akin ang mga kasamaan at kaguluhan?” (HABAKUK 1:2-3 ASD). Matagal niya iyong ipinanalangin. Hindi niya lubos maisip kung bakit hinahayaan ng makatarungan at makapangyarihang Dios na manatili ang kasamaan, kawalan ng hustisya at katiwalian sa Juda. Hindi niya maintindihan kung bakit walang ginagawa ang Dios sa sitwasyon nila.
May mga panahon na pakiramdam din nati’y walang ginagawa ang Dios. Tulad ni Habakuk, lagi tayong nagtatanong sa Dios, “Hanggang kailan?”
Pero hindi tayo nag-iisa. Dininig ng Dios si Habakuk. Diringgin din tayo ng Dios kaya patuloy lang nating idalangin sa Kanya ang lahat ng mga pasanin natin sa buhay. Tutugon Siya sa itinakda Niyang panahon.