Hinahangaan ko ang isang grupo ng mga nagtitiwala kay Jesus. Nagsimula ang kanilang pagtitipon bilang gawain na tumutulong sa mga dating bilanggo. Sa kasalukuyan, iba’t ibang klase ng tao ang dumadalo sa kanilang pagtitipon. Natutuwa talaga ako sa grupong ito dahil naaalala ko sa kanila kung ano sa tingin ko ang makikita ko sa langit. Na ito ay puno ng iba’t ibang uri ng taong pinatawad sa kanilang mga kasalanan at pinagbuklod ng pagmamahal ni Jesus.
Pero minsan, nagiging ekslusibo ang pagtitipon ng mga mananampalataya. Madalas kasi na ang mga magkakaparehas ng estado sa buhay o ng mga interes ang siya lang nagsasama-sama. Pakiramdam tuloy ng ibang mananampalataya na hindi sila tanggap sa grupo dahil wala silang pagkakatulad sa kanila. Hindi iyon ang nasa isip ni Jesus nang sabihin Niya na “magmahalan kayo, gaya ng pagmamahal Ko sa inyo” (JUAN 15:12 MBB). Dapat maipadama ng mga mananampalataya ang pagmamahal ni Jesus sa bawat isa katulad man natin sila o hindi.
Kung may mga taong nakaramdam na hindi sila tanggap at naghahanap ng pagmamahal, kapanatagan at kapatawaran ni Jesus, dapat nilang maranasan ito sa piling ng mga mananampalataya. Maipadama nawa natin ang pagmamahal ni Jesus sa lahat ng nakakasalamuha natin kahit na ang mga hindi natin kaparehas ng interes o ng estado sa buhay. Nais ni Jesus na mahalin natin ang bawat isa. Magiging parang langit ang mundo kung sama-sama tayong sumasamba sa Dios nang may pagmamahal sa isa’t isa.