Ang ‘Desert Pete’ ay isang lumang kanta tungkol sa isang lalaking uhaw na uhaw habang naglalakad sa disyerto. Nakakita siya ng poso at sa tabi nito’y may lalagyan ng tubig na may kaunting laman. May papel din doon kung saan nakasulat na huwag inumin ang tubig kundi gamitin sa tuyong poso para gumana ito. Pinigilan tuloy ng lalaki ang kanyang sarili sa pag-inom ng tubig na nasa lalagyan. Naniwala at sumunod siya sa nakasulat sa papel at dahil doon, nakainom siya ng malamig na tubig mula sa poso at napawi ang kanyang uhaw. Kung hindi niya iyon pinaniwalaan, hindi gagana ang poso at kaunting tubig lang ang maiinom niya mula sa lalagyan.
Naalala ko tuloy ang paglalakbay ng mga Israelita sa liblib na lugar. Hindi na nila matiis ang kanilang uhaw (EXODO 17:1-7) kaya humingi si Moises ng tulong sa Dios para sa kanila. Sinabi sa kanya ng Dios na hampasin niya ng kanyang tungkod ang malaking bato. Naniwala si Moises sa sinabi ng Dios at sumunod siya sa utos ng Dios. Hinampas niya ang malaking bato at umagos ang masaganang tubig.
Pero hindi nagpatuloy ang mga Israelita sa pagtitiwala sa Dios. Hindi sila sumunod sa halimbawa ni Moises, “naging walang saysay ang narinig nila dahil hindi sila sumampalataya” (HEBREO 4:2).
Minsan parang tuyong disyerto rin ang ating buhay. Pero kayang pawiin ng Dios ang ating espirituwal na pagka-uhaw. Kung magtitiwala tayo sa mga pangako ng Dios, mararanasan natin ang masaganang tubig at biyaya para sa ating pangaraw araw na pangangailangan.