Noong 1968, naglakbay patungo sa buwan ang grupo ni Bill Anders sakay ng Apollo 8. Ipinalabas sa telebisyon ang paglalakbay nilang iyon. Habang nanonood ang buong mundo, salit-salitan nilang binasa ang Genesis 1:1-10. Matapos basahin ng kumander nilang si Frank Borman ang talatang 10, “Nasiyahan ang Dios sa nakita Niya” (ASD). Sinabi niya sa mga manonood, “Pagpalain ng Dios kayong lahat na nasa magandang mundo.”
Makikita naman sa Genesis 1 na unang kabanata ng Biblia ang dalawang katotohanan. Ang unang katotohanan ay ang Dios ang lumikha ng lahat. Ang mga katagang “at sinabi ng Dios” ay nagpapatunay na Siya nga ang lumikha ng kahanga-hangang mundo na ating tinitirhan. Dahil sa pangyayari sa Genesis 1, malalaman natin na mayroong Dios sa buong kasaysayan ng Biblia.
Ang ikalawang katotohanan naman ay napakaganda ng lahat ng nilikha ng Dios. Ilang beses binanggit sa Genesis 1 na, “Nasiyahan ang Dios sa nakita Niya” (ASD). Marami na ang nagbago sa mundo mula nang likhain ito ng Dios pero mababasa rito na nilikha ng Dios ang mundo nang ayon sa nais Niya. Ang natitirang maganda sa mundo natin ngayon ay bakas na lang ng napakagandang kalagayan nito noong unang likhain ng Dios ang lahat.
Inilarawan nila Bill ang mundo na isang makulay na bolang nakalutang sa kalawakan. Nakita nila ang mundo na napakaganda gaya ng sinasabi sa Genesis 1.