Napakametikuloso ng mga Hapon pagdating sa kanilang mga produktong pagkain. Para sa kanila, hindi lamang ito dapat maging masarap kundi dapat maganda rin itong tingnan. Mahalaga talaga sa kanila ang kalidad ng produkto kaya itinatapon nila kahit na maliit lang ang depekto nito. Pero nauso na ngayon ang tinatawag nilang produktong wakeari na ang ibig sabihi’y “may dahilan.” Hindi itinatapon ang mga may kaunting depekto kundi ibinebenta ang mga ito sa mas murang halaga dahil may dahilan. Halimbawa, may kaunting durog o bitak sa tinapay.
Ayon sa aking kaibigan na naninirahan sa Japan, wakeari rin ang tawag sa taong may mga kapintasan.
Mahal ni Jesus ang lahat ng tao maging ang mga wakeari na isinasantabi ng lipunan tulad ng babaeng namumuhay sa kasalanan na binanggit sa Biblia. Nang malaman ng babae na inimbitahan si Jesus sa bahay ng isang Pariseo, nagpunta siya roon. Lumuhod siya sa paanan ni Jesus at saka tumangis. Tinawag siyang makasalanan ng Pariseo pero iba ang ginawa ni Jesus. Malugod Niyang tinanggap ang babae at tiniyak sa kanya ni Jesus na pinatawad na ang mga kasalanan niya (LUCAS 7:37-39;48).
Mahal ni Jesus ang mga itinuturing na wakeari na tulad natin. Ipinakita Niya ang Kanyang pagmamahal sa atin na “noong tayo’y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin” (ROMA 5:8). Bilang mga minahal ng Dios, mahalin din natin ang ating kapwa kahit na sa palagay nati’y hindi sila karapatdapat mahalin.