Bago tuluyang lumipad ang isang eroplano, itinuturo muna sa mga pasahero ang mga dapat nilang gawin kung sakaling magkaproblema sa loob ng eroplano. Ipinapaalam sa mga pasahero na dapat muna nilang ihanda ang kanilang sarili bago tulungan ang iba. Bakit kaya gano’n? Hindi mo kasi magagawang matulungan ang iba kung ikaw mismo ay nangangailangan pa ng tulong.
Nang sinulatan ni apostol Pablo si Timoteo, binigyang-diin niya na mahalagang patatagin muna ni Timoteo ang kanyang relasyon sa Dios bago tulungan at patatagin ang iba. Napakahalagang ingatan niya ang kanyang pamumuhay at ang mga natutunan niya sa Salita ng Dios (1 TIMOTEO 4:16). Sa gayon, maisasagawa niya nang maayos ang mga tungkulin niya bilang pastor tulad ng paninindigan laban sa mga maling katuruan at pagwawasto sa maling paniniwala (TALATANG 1-8).
Ang mga bilin ni Pablo kay Timoteo ay para rin naman sa atin. Patatagin muna natin ang ating relasyon sa Dios sa pamamagitan ng pagbabasa ng Biblia at pananalangin. Hayaan din nating kumilos ang Banal na Espiritu sa ating buhay. Sa gayon, magiging handa tayong tulungan ang iba na hindi pa nagtitiwala sa Dios.