Nang matapos ang Lumang Tipan sa Biblia, tila nanahimik ang Dios. 400 taong tila hindi na nagmamalasakit ang Dios at hindi na nakikinig sa mga panalangin ng mga Israelita. Naghihintay at nagtataka sila noon. Isa na lang ang natitira nilang pag-asa at nakasalalay doon ang lahat para sa kanila. Hinihintay nila ang natatanging tao na ipinangako ng Dios na tatawaging Mesiyas. Hanggang sa ibinalita ang pagsilang ng isang sanggol. Siya ang Haring hinirang ng Dios na magliligtas sa kanila.
Ang mga pangyayaring may kinalaman sa nalalapit na kapanganakan ni Jesus ay tila isang masayang palabas sa teatro. Mababasa natin ang mga kapanapanabik na iba’t ibang eksena sa aklat ng Lucas. Isa sa mga eksena ay nandoon ang matandang tiyuhin ni Jesus na si Zacarias at ang matandang propetang si Ana. May eksena rin na napaawit pa si Maria. At sa ibang eksena nama’y napasipa sa galak ang anak ni Zacarias na si Juan habang nasa sinapupunan pa ito ng kanyang ina (LUCAS 1:5-2:36).
May mahahalagang pangyayari sa mundo na tumutukoy sa pagsilang ng Mesiyas. Nagpakita ang anghel na si Gabriel at tinawag niya na ‘Elias’ si Juan na siyang isinugo para ihanda ang pagdating ng Panginoon (1:17). Nagbanggit naman si Lucas ng mga ipinahayag sa Lumang Tipan para ipakita na ang kapanganakan ni Jesus ang katuparan ng mga ipinangako ng Dios noon. Kahit sa palagay ng mga Israelita ay matagal na nanahimik ang Dios, may maganda namang pangyayari ang inihanda Niya.