Nakakapagod ang maghapong pagtatrabaho. Pero pag-uwi ko sa bahay, kailangan ko pa ring gampanan ang isa ko pang trabaho – ang pagiging mabuting tatay. Gusto ko sanang maupo muna pero kailangan kong gawin ang mga hiling ng aking pamilya. Kailangan kong magluto ng aming hapunan, mag-igib ng tubig at makipaglaro sa aking anak.
Gusto kong maging isang mabuting tatay. Pero parang hindi ko gustong maging lingkod ng aking pamilya at tugunin ang mga kailangan nila. Habang iniisip ko iyon, nakita ko ang isang kard na ibinigay ng kaibigan ng aking asawa. Makikita sa kard ang larawan ng lagayan ng tubig, isang tuwalya at maruruming tsinelas. Sa bandang ibaba ng larawan, mababasa ang sinabi sa LUCAS 22:27, “Ako'y kasama ninyo na gaya ng isang naglilingkod” (ABAB).
Sinabi ni Jesus na naparito Siya sa mundo para maglingkod sa mga taong makasalanan at para iligtas sila (LUCAS 19:10). Ang sinabing ito ng Panginoong Jesus ang kailangan ko mismong gawin. Kung nagawa ni Jesus na maglingkod sa kanyang mga alagad sa pamamagitan ng paghuhugas sa marurumi nilang mga paa (JUAN 13:1-17), magagawa ko ring ipag-igib ang aking anak ng tubig.
Ipinaalaala sa akin nito na ang paglilingkod sa aking pamilya ay hindi lamang isang obligasyon na dapat kong gawin. Sa halip, pagkakataon ito para magaya ko ang pusong mapaglingkod ni Jesus. Kung may pagkakataon na makapaglilingkod tayo sa iba, gawin natin ito. Isa itong pagkakataon para lalo nating maging tulad si Jesus na siyang nag-alay ng Kanyang buhay para sa atin.