May laro kami ng anak ko na tinatawag naming ‘Pinchers’. Hahabulin ko siya at kapag nahuli ko, kukurutin ko siya ng mahina. Pero makukurot ko lang siya kung nasa hagdan at bawal na siyang kurutin kapag nasa taas na siya. May mga panahon na ayaw niyang makipaglaro. Kaya naman, sisigaw siya na bawal ang kumurot. Ipinapangako ko naman sa kanya na hindi ko siya kukurutin.
Parang maliit na bagay lang ang ginawa kong pangako. Pero kung tutuparin ko iyon, mas mauunawan ng anak ko ang ugali ko pagdating sa pangangako. Lagi kong ipinapakita sa kanya na hindi ako nagbabago sa ginagawa ko.
Alam ng anak ko na mapagkakatiwalaan ang sinasabi ko at natututo siya. Maliit na bagay lang ang ipinangako ko sa kanya. Pero para sa akin, ang pagtupad sa pangako ang nagpapatibay sa isang relasyon. Pinatitibay nito ang pagmamahal at pagtitiwala ng isa’t isa.
Gayon din naman ang nais iparating ni Apostol Pedro nang sabihin niya, “Ipinagkaloob [ng Dios] sa atin ang mahahalaga at dakila Niyang mga pangako. Ginawa Niya ito para makabahagi tayo sa kabanalan ng Dios” (2 PEDRO 1:4). Sa tuwing pinagbubulayan natin ang mga katangian ng Dios sa Biblia at pinagtitiwalaan ang mga sinabi Niyang pangako sa atin, mapapatunayan natin na totoo ang pagmamahal ng Dios sa atin. Kaya naman, nagpapasalamat ako sa mga pangako ng Dios na Kanyang sinabi sa Biblia. Ang mga pangakong iyon ang nagpapaalala na, “Ang pag-ibig at awa ng Panginoon ay walang katapusan…Araw-araw ay ipinapakita Niya ang Kanyang habag” (PANAGHOY 3:22-23).