Wala akong kilalang bata na gustong-gusto ang gagamba. Lalo na ang anak kong babae, takot na takot siya sa gagamba. Minsan, may narinig akong malakas na sigaw. Isinisigaw ng anak ko na may gagamba sa kanyang kama. Pero hindi ko na makita ang gagamba noong dumating ako sa kuwarto niya. Kahit wala na ang gagamba at sinabi kong hindi naman siya sasaktan nito, hindi pa rin mapalagay ang anak ko. Kaya, sinabi ko na babantayan ko siya habang natutulog.
Hinawakan ko ang kamay ng aking anak habang nakahiga siya. Sinabi ko sa kanya na mahal na mahal ko siya at nasa tabi niya lang ako. Sinabi ko rin sa kanya na higit ang pagmamahal sa kanya ng Dios kaysa sa amin na kanyang mga magulang.
Sinabi ko pa na laging kasama niya ang Dios at puwede siyang manalangin sa tuwing natatakot siya. Sa tingin ko, nakatulong sa kanya ang mga sinabi ko kaya nakatulog siya ng mahimbing.
Paulit-ulit naman na ipinapaalala sa atin ng Biblia na lagi nating kasama ang Dios (SALMO 145:18; ROMA 8:38-39; SANTIAGO 4:7-8). Pero madalas, hindi natin ito pinaniniwalaan. Kaya siguro idinalangin noon ni Apostol Pablo ang mga nagtitiwala kay Jesus na taga Efeso para magkaroon ng lakas at pagtitiwala upang paniwalaan ang katotohanang ito (EFESO 3:16). Alam ni Pablo na kapag natatakot tayo ay puwede nating malimutan na kasama natin ang Dios. Pero tulad ng paghawak ko sa kamay ng aking anak para makatulog siya, kasama rin natin ang Dios na laging nagbabantay sa atin. Makakapanalangin tayo sa Kanya sa panahon na natatakot tayo.