Mahilig umakyat ng bundok ang magkapatid na sina Lygon at Nick Stevens. Sila’y maituturing na bihasa sa pamumundok lalo pa’t naakyat na nila ang Mt. McKinley (Denali), ang pinakamataas na bundok sa North America. Ngunit sa kasamaang palad, habang umaakyat sila sa isang bundok doon sa Colorado ay may nangyaring pagguho ng snow.
Ito ang ikinamatay ng 20 taong gulang na si Lygon habang si Nick naman ay nagkaroon ng matinding pinsala sa katawan. Natuklasan ni Nick na may nakatagong sulatan ang kanyang kapatid. Naglalaman ito ng mga karanasan niya, panalangin at mga salitang papuri sa Dios. Isa sa mga nabasa niya na isinulat ng kanyang kapatid, “Ako ay isang sining na nilikha ng Dios. Ngunit hindi pa Siya natatapos na ako’y likhain. Nagsisimula pa lang Siya at nasa akin ang bakas ng Kanyang pagkalikha. Wala akong katulad sapagkat ako’y nilikha ayon sa wangis Niya. May nais ipagawa sa akin ang Dios na tanging ako lamang ang makakagawa.”
Nakapagbibigay ng lakas ng loob at hamon sa atin ang buhay ni Lygon kahit siya ay pumanaw na.
Nilikha tayo ayon sa wangis ng Dios kaya ang bawat isa ay Kanyang obra maestra. Nilikha Niya rin tayo upang gumawa ng kabutihan sa ating kapwa.
Purihin natin ang Dios sapagkat kikilos Siya sa bawat isa sa atin para maipadama ang Kanyang kabutihan sa iba.