Kaibig-ibig! Iyan ang nabanggit ng aking anak sa kanyang paggising isang umaga. Hindi ko naunawaan ang gusto niyang sabihin. Kaya agad niyang itinuro ang damit na kanyang suot. Nakasulat sa harapan nito ang salitang kaibig-ibig. Binigyan ko siya ng isang mahigpit na yakap. Ngumiti ang aking anak at sinabi ko sa kanya na, "Kaibig-ibig ka!" Nagdulot ito ng malaking ngiti sa kanyang mukha. Paulitulit niyang binanggit ang mga salitang iyon.
Hindi ako isang perpektong ama. Pero isang perpektong sandali sa aming mag-ama iyon. Nakita ko sa mukha ng aking anak ang galak nang nakatanggap ng isang tunay na pagmamahal. Larawan iyon ng kasiyahan. Ang salitang nakalagay sa kanyang damit ay tumutukoy sa pagmamahal ko rin sa kanya.
Ilan sa atin ang nakakaalam na labis tayong minamahal ng Dios? Minsan ay mahirap sa atin na paniwalaan ang katotohanang ito. Ganito rin ang mga Israelita na mababasa sa Biblia. Iniisip nila na hindi na sila minamahal ng Dios sa oras na dumaranas ng pagsubok ang kanilang bayan. Pero ipinaalala ni propeta Jeremias ang sinabi ng Dios na "Sa simula pa'y inibig ko na sila" (31:3). Naghahangad din tayo ng ganitong walang hanggang pag-ibig dahil sa mga dinaranas nating pagsubok sa ating buhay. Sa piling lamang ng ating Dios tayo makakadama ng tapat na pag-ibig.