Hindi ko makakalimutan ang pagkakataon nang makausap ko ang sikat na tagapagturo ng Biblia na si Billy Graham. Medyo kinabahan ako kung ano ang mga sasabihin ko sa kanya. Naisip ko na magandang simulan ang aming pag-uusap sa isang tanong tungkol sa pinakamaganda niyang karanasan sa ilang taong paglilingkod sa Dios. Nahihiya man, nagmungkahi ako ng mga posibleng sagot. Ito ba ay ang makilala at makausap niya ang mga kilalang tao sa mundo gaya ng mga presidente at mga hari o ito kaya ay ang pagtuturo niya ng mensahe ng kaligtasan sa napakaraming tao?
Bago pa man ako matapos sa mga sinasabi ko, pinahinto ako ni Billy at sinabing, “Ang relasyon ko kay Jesus ang pinakamahalaga para sa akin. Lubos akong nagagalak na kasama ko si Jesus, na ginagabayan at binibigyan Niya ako ng karunungan.” Nahamon ako sa kanyang sagot dahil nais ko rin na maging ganoon ang aking pananaw tungkol sa paglilingkod sa Dios.
Ganito rin ang nasa isip ng apostol na si Pablo. Itinuring niya na walang kabuluhan ang lahat ng mga bagay na pinahahalagahan niya noon bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala niya kay Cristo Jesus na kanyang Panginoon (FILIPOS 3:8 MBB). Magiging makabuluhan ang ating buhay kung si Jesus at ang tamang relasyon sa kanya ang pinakanais nating makamit sa ating buhay.