Madalas ka bang mag-alala? Ganon ang aking palaging nararamdaman. Araw-araw kong nilalabanan ang matinding pag-aalala ko sa maraming bagay. Marami akong mga bagay na inaalala, maliliit man o malalaki ang mga ito. Noong bata pa ako ay tumawag pa ako sa mga pulis dahil sa matinding pag-aalala nang hindi agad nakauwi ang aking mga magulang sa takdang oras.
Paulit-ulit na ipinapaalala sa atin ng Salita ng Dios na huwag tayo matakot at mag-alala. Dahil sa kabutihan at kapangyarihan ng Dios ay ibinigay Niya si Jesus para sa ating mga kasalanan. Ipinagkaloob din Niya ang Espiritu Santo para ingatan tayo at pawiin ang ating mga pag-aalala. Marami tayong mararanasang mga pagsubok pero nangako ang Dios na sasamahan Niya tayo palagi.
Isang talata sa Biblia ang palaging tumutulong sa akin sa tuwing ako ay nag-aalala at natatakot. Ito ay ang Isaias 51:12-16. Dito ay pinaalalahan ng Dios ang Kanyang mga anak na nagtagumpay sa mga pagsubok na palagi Siyang nasa kanilang tabi at palaging makakaasa sa Kanyang paggabay. Kahit ano pa mang pagsubok ang dumating sa atin, “Ako ang nagbibigay ng inyong lakas” (ISAIAS 51:12).
Pinanghahawakan ko ang pangako na iyon. Nagsisilbi itong matibay na sandalan ng aking kaluluwa. Paulit-ulit kong pinapaalala sa aking sarili ang pangakong iyon sa tuwing ako ay nakakadama ng matinding takot (TAL . 13). Dahil sa talatang iyon ay ipinapaalala ng Dios na palaging tumingin sa Kanya “na naglatag ng kalangitan” (TAL . 13). Siya ay nangako na tayo ay hindi pababayaan.