Marami akong tungkulin bilang isang tatay. Isa na rito ang tiyaking ligtas ang aking mga anak. Minsan, natuklasan ng mga anak ko na may mga bubuyog sa harapan ng aming bahay. Kaya naman, kinuha ko agad ang pampatay sa mga bubuyog. Pero limang beses akong nakagat nito.
Masakit makagat ng mga bubuyog. Pero ayos lang sa akin na ako ang nakagat ng mga ito kaysa ang aking asawa o mga anak. Pinakamahalagang tungkulin ko bilang isang tatay ang pangalagaan ang aking pamilya. May pangangailangan ang aking mga anak na kailangan kong ibigay sa kanila. Nagtitiwala sila sa akin na kaya ko silang protektahan sa kinatatakutan nila.
Mababasa naman natin sa Biblia na itinuro ni Jesus na dapat nating hingin at ipagkatiwala sa Dios ang lahat ng ating pangangailangan (Mateo 7:7). Sinabi ni Jesus: “Mayroon bang tao sa inyo, na kung humingi ng tinapay sa kanya ang kanyang anak ay bato ang ibibigay? O kung humingi siya ng isda ay bibigyan niya ito ng ahas?” (T . 9-10 ABAB). Siyempre, alam ng mapagmahal na magulang ang sagot sa tanong na ito. Ganito naman ang sagot ni Jesus: “Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit ang magbigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa Kanya?” (T . 11) Hinihikayat tayo ni Jesus na magtiwala sa kabutihang-loob ng ating Ama sa langit.
Mahal na mahal ko ang aking mga anak. Pero tiniyak ni Jesus na ang pagmamahal sa atin ng Dios ay mas higit pa sa pagmamahal na kaya nating ibigay sa ating mga anak.