Ang isang bagay na madalas kong ginagawa pero hindi ako masayang gawin ay ang mamalengke. Gayon pa man, kailangan gawin dahil parte na ito ng buhay natin.

Pero may kinaaaliwan ako sa tuwing namamalengke na gusto kong makita. Iyon ay ang makita si Fred na nagtatrabaho sa pamilihan. Lagi siyang nakangiti at masayang bumabati sa mga tao. Mabilis niyang ring isinasaayos ang mga pinamili sa isang supot habang sumasayaw o kumakanta. Kitang-kita na masaya si Fred sa kanyang ginagawa kahit na parang nakakabagot ang trabaho niya. Nakakapagpasigla sa mga taong nakapila at naghihintay ang masayang paggawa ni Fred.

Humanga ako sa ugali ni Fred at nirerespeto ko ang ginagawa niya. Ang pagiging masayahin niya, pagnanais na maglingkod at tumulong sa mga tao ang nagpaalala sa akin sa sinabi ni Apostol Pablo. Sinabi ni Pablo sa mga taga Colosas, “Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao” (3:23 MBB).

Bilang mga nagtitiwala kay Jesus, gumawa o magtrabaho tayo sa paraan na nakikita mismo sa ating buhay ang Panginoon. Mahalaga ang ating ginagawa, maliit man ito o malaki. Kaya naman, sa tuwing gumagawa o nagtatrabaho tayo, gawin natin ito na may buong galak, maayos at kapuripuri. Nang sa gayon, mahihikayat natin ang iba na magtrabaho tulad natin.