Namasyal kami noon ng aking pamilya. Habang naglalakad kami, tinapik ko sa balikat ang anak kong lalaki at sinabi sa kanya na sundan niya lang ang direksiyon na pinupuntahan ng kanyang ina at mga kapatid na nasa unahan niya. Paulit-ulit ko siyang tinatapik dahil madalas siyang lumilihis ng daan. Nagtataka ako kung bakit hindi na lang siya sumunod sa nanay at mga kapatid niya.
Naisip ko dahil doon na parang ganoon din ako pagdating sa pagsunod sa Dios. Kung ilang beses akong nag-iiba ng direksiyon dahil mas sinusunod ko ang mga gusto ko at hindi ang nais ng Dios para sa akin.
May isinulat ang propetang si Isaias tungkol dito na nais ng Dios na gawin ng mga Israelita, “Maririnig ninyo ang Kanyang tinig na magtuturo sa inyo ng tamang daan, saan man kayo naroroon” (30:21). Mababasa rin natin sa Isaias kung paanong pinagsabihan ng Dios ang mga Israelita dahil sa kanilang pagrerebelde. Pero kung magtitiwala sila sa Dios sa halip na sa kanilang sarili (TAL. 15), nakahanda ang Dios na ipakita sa kanila ang Kanyang kagandahang-loob at kaawaan (TAL. 18).
Ipinapakita ng Dios ang Kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng paggabay ng Banal na Espiritu. Ihayag natin sa Kanya ang mga naisin ng ating puso at tanungin Siya kung ano naman ang ninanais Niya para sa atin. Nagpapasalamat ako dahil matiyaga akong ginagabayan ng Dios sa bawat araw. Patuloy lang tayong magtiwala at makinig sa Kanyang mga sinasabi.