Noong mga bata pa ang mga anak ko, nahirapan sila sa pagtulog. Tuwing gabi, salitan kami ng asawa ko sa paghehele sa kanila. Ilang oras ko silang pinaghehele para makatulog sila agad. Kinantahan ko na rin sila. Napakaganda ng naidulot ng pagkanta ko sa kanila dahil hindi lang ito nakapagpatulog sa kanila, naging paraan din ito para mas mapalapit sa akin ang aming mga anak.
Mababasa naman natin sa Biblia ang pag-awit ng Dios sa Kanyang mga anak. Kung paanong inaawitan ko ang mga anak ko para mapatulog sila, inawitan ng Dios ang Kanyang mga anak, “Magagalak Siya sa inyo, at sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig... Aawit Siya nang may kagalakan dahil sa inyo” (ZEFANIAS 3:17).
Halos ang buong aklat ng Zefanias ay tumatalakay sa mga babala tungkol sa darating na paghuhukom sa mga hindi nagtitiwala sa Dios. Gayon pa man, natapos ang aklat tungkol sa pagliligtas ng Dios sa mga tao mula sa mga paghihirap na dinaranas nila (TAL. 19-20) at sa pag-awit sa kanila ng Dios nang may kagalakan bilang pagpapakita ng Kanyang pagmamahal sa kanila (TAL. 17).
Ang ating Dios ay hindi lamang “makapangyarihang sundalo” na nagliligtas (TAL. 17). Siya rin ang ating mapagmahal na Ama na umaawit para sa atin.