Nagdugo ang hintuturo ko nang matusok sa tinik ng halaman. Nagsisigaw ako at dumaing sa sobrang sakit. Hindi naman ako dapat magtaka na nangyari ito dahil hindi ko naisuot ang aking guwantes noong tatabasin ko ang halaman sa aming hardin.
Habang naghahanap ako ng pang benda para sa aking daliri na natinik, naisip ko bigla ang ating Tagapagligtas. Pilit isinuot ng mga sundalo kay Jesus ang isang koronang tinik (JUAN 19:1-3). Kung nasaktan ako ng sobra sa isang tinik na tumusok sa daliri ko, gaano pa kaya ang sakit na naramdaman ni Jesus nang isuot sa Kanya ang koronang tinik? Hindi lamang iyon, hinagupit Siya, ipinako sa krus at sinaksak ng sibat ang Kanyang tagiliran.
Hindi lamang pisikal na sakit ang tiniis ni Jesus. Sinasabi sa Isaias 53:5, “Sinugatan Siya dahil sa ating mga pagsuway; binugbog Siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang tiniis Niya ang naglagay sa atin sa magandang kalagayan. At dahil sa mga sugat Niya ay gumaling tayo.” Ang tinutukoy dito ni Propeta Isaias na magandang kalagayan ay ang pagpapatawad ng Dios.
Hinayaan ni Jesus na maranasan ang lahat ng paghihirap na iyon upang manumbalik ang nasira nating relasyon sa Dios. Kusang-loob na inalay ni Jesus ang Kanyang buhay para sa akin at para sa iyo at pinatotohanan ito ng Biblia.