Mababasa natin sa Biblia na sa tuwing magpapakita ang anghel, madalas nilang sinasabi, “Huwag kayong matakot!” Hindi na ito nakapagtataka. Natatakot ang mga tao kapag may magpapakitang hindi pangkaraniwan sa kanila. Pero sinasabi sa aklat ng Lucas na noong pumarito ang Dios sa mundo, hindi Siya nakakatakot. Sino ba naman ang matatakot sa isang sanggol?
Si Jesus ay tunay na Dios at tao rin. Bilang Dios, gumawa Siya ng mga himala, nagpatawad ng mga kasalanan, nagpahayag ng mga mangyayari sa hinaharap at napagtagumpayan ang kamatayan. Gayon pa man, nagdulot ng kalituhan para sa mga Judio ang pagdating ni Jesus dahil ang pagkakaalam nila sa Dios ay isang maliwanag na ulap o haliging apoy. Paanong ang isang sanggol na isinilang sa Bethlehem at isang anak ng karpintero ang Tagapagligtas na mula sa Dios?
Mababasa sa Lucas 2:47 na namangha ang mga gurong Judio nang makipagtalastasan sa kanila ang 12 taon pa lang noon na si Jesus. Sa panahong iyon, nagkaroon ng pagkakataong makausap ng mga ordinaryong tao ang Dios na nagkatawang-tao.
Maaaring kausapin ni Jesus ang kahit na sino, ang mga magulang Niya, guro, o ang isang balo nang hindi kailangang sabihin ang, “Huwag kang matakot!” Hindi tayo dapat matakot dahil ang Dios mismo ang lumapit sa atin nang magkatawang-tao si Jesus.