Natalo ang paborito kong koponan sa larong football ng walong magkakasunod na beses. Marami ang ginawang paraan ang coach para manalo pero hindi pa rin sila nagwagi. Minsan, nag-uusap kami ng mga katrabaho ko tungkol sa koponang iyon. Nagbiro ako na kahit umasa man sila na may magandang pagbabago, hindi ito garantiya na mananalo nga sila. Hindi stratehiya para manalo ang pagkakaroon ng pag-asa.
Hindi nga stratehiya para manalo sa laro ang pagkakaroon ng pag-asa pero ang pagkakaroon naman ng pag- asa at pagtitiwala sa Dios ang tanging paraan para mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa buhay. Madalas man tayong mabigo, maaari tayong umasa sa kapangyarihan at mga katotohanan tungkol sa Dios.
Alam ito ni propeta Micas. Nang tumalikod sa Dios ang bansang Israel, nalungkot siya, “Kawawa ako...Wala nang natirang taong matuwid” (MICAS 7:1-2). Pero sinabi rin niya, “Para sa akin, magtitiwala ako sa Panginoon na aking Dios. Maghihintay ako sa Kanya na magliligtas sa akin, at tiyak na ako ay Kanyang diringgin” (TAL. 7).
Paano nga ba mananatiling may pag-asa habang dumaranas tayo ng pagsubok? Ipinakita ito sa atin ni Micas. Nagtiwala siya sa katapatan ng Dios. Naghintay siya at nanalangin. Tandaan natin na naririnig ng Dios ang ating mga pagtangis. Magtiwala lang tayo sa Dios at patuloy na umasa sa Kanya. Iyon ang makakatulong sa atin upang mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa buhay.