Sikat na pelikula noong 1993 ang Jurassic Park. Mapapanood dito ang eksena kung saan mabilis na pinapatakbo ng bida ang kanyang sasakyan dahil hinahabol sila ng dinosaur. Kitang-kita mula sa salamin ng kanilang sasakyan ang nakakatakot na hitsura ng dinosaur at ang mabilis nitong paghabol sa kanila.
Nakakatakot at nakakakaba ang eksenang ito sa pelikula. Maaaring katulad ito ng ating nararamdaman sa tuwing naaalala natin ang ating mga maling nagawa dati. Maaaring natatakot tayo, nahihiya at napupuno ng pagsisisi.
Nalalaman din naman ni Apostol Pablo kung paano nagiging hadlang sa buhay ang kanyang mga maling nagawa. Ipinadakip at ipinapatay niya ang mga taong sumasampalataya kay Cristo (FILIPOS 3:1-9). Iniisip ni Pablo na kapag ginawa niya ang mga iyon ay magiging karapat-dapat siya sa harap ng Dios. Pinagsisisihan ni Pablo ang mga nagawa niyang ito. Kung patuloy niyang sisisihin ang kanyang sarili, magiging hadlang ito sa kanyang buhay.
Pero nagtiwala si Pablo kay Cristo, natanggap niya ang kapatawaran mula sa Dios at natutunan niyang kalimutan ang mga pagkakamali niya dati (T. 8-9). Sinabi ni Pablo, “Ito ang ginagawa ko ngayon: Kinakalimutan ko na ang nakaraan at… Nagpapatuloy ako hanggang makamtan ko ang gantimpala” (T. 13-14).
Gayundin naman, kung magtitiwala tayo kay Jesus, matatanggap natin ang Kanyang kapatawaran. Makakalaya rin tayo sa anino ng ating nakaraan na ating pinagsisisihan.