Inilarawan ni Peter Furler ang pagtatanghal ng kanyang banda tuwing kinakanta nila ang awit ng papuring may pamagat na “He Reigns.” Ang awiting ito ay tungkol sa sama-samang pagpupuri sa Dios ng mga sumasampalataya kay Jesus mula sa iba’t ibang tribo at bansa. Sinabi ni Furler na sa tuwing inaawit nila ang kantang ito ay nararamdaman niya ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa sama-samang pagtitipon ng mga mananampalataya.
Ang paglalarawan na ito ni Furler ay tila kagaya ng nangyari sa Jerusalem noong araw ng Pentecostes. Hindi maipaliwanag ng mga alagad ang nangyari sa kanila nang mapuspos sila ng Banal na Espiritu (GAWA 2:4). May mga relihiyosong Judio noon na nanggaling sa iba't ibang bansa. Namangha sila dahil narinig nilang sinasalita ng mga mananampalataya ang kanikanilang wika. Sinasabi nila ang mga kamangha-manghang ginawa ng Dios (T. 5-6,11).
Ipinaliwanag naman ni Pedro na ang nangyayari ay katuparan ng propesiya kung saan sinabi ng Dios na, “Ibubuhos Ko ang Aking Espiritu sa lahat ng uri ng tao (T. 17). Halos tatlong libong tao ang nagtiwala kay Jesus sa magandang balita na sinabi ni Pedro noong araw na iyon (T. 41). Ibinahagi naman ng mga taong ito ang mabuting balita nang bumalik sila sa kani-kanilang bansa.
Inaalok pa rin ng Dios ang magandang balitang ito hanggang ngayon. Mensahe ito ng pag-asa sa bawat tao. Sa tuwing sama-sama tayong nagtitipon upang magpuri sa Dios, kumikilos ang Banal na Espiritu sa atin at nagkakaroon tayo ng pagkakaisa. Tunay na naghahari sa atin ang Dios.