Minsan, habang nakasakay kami ng aking anak sa kotse, tinanong niya ako kung anong oras na. Sinagot ko siya at sinabi ko na 5:30. Alam ko na agad ang susunod niyang sasabihin. “5:28 pa lang po.” Napangiti ang aking anak. Napangiti din ako dahil kilalang-kilala ko na ang anak ko pati kung ano ang susunod niyang sasabihin.
Kagaya ng ibang mga magulang, kilalang-kilala ko rin ang aking mga anak. Alam ko kung paano sila gigisingin tuwing uwaga. Alam ko kung ano ang mga paborito nilang pagkain. Alam ko rin kung ano ang mga gusto nila at hilig gawin. Pero sa kabila ng lahat ng ito, tanging ang Dios lamang ang lubos na nakakakilala sa aking mga anak.
Mababasa naman natin sa Juan 1 ng Biblia kung paano lubos na nakikilala ni Jesus ang Kanyang mga alagad. Nang lumapit sa Kanya si Natanael, sinabi ni Jesus, “Narito ang isang tunay na Israelita na hindi nandaraya” (T. 47). Nagulat si Natanael at sinabi niya, “Paano Ninyo ako nakilala?” Sinabi naman ni Jesus na bago pa man Niya tawagin si Natanael ay nakita na Niya ito sa ilalim ng puno ng igos” (T. 48). Sumagot naman si Natanael na punong-puno ng pagkamangha, “Guro, Kayo nga ang Anak ng Dios!” (T. 49).
Lubos din naman tayong nakikilala ni Jesus. Tinatanggap Niya tayo, hindi lamang bilang mga tagasunod Niya, kundi bilang mga minamahal Niyang kaibigan (JUAN 15:15).