Noong Pebrero 1497, sinunog ng mongheng si Girolama Savonarola at ng kanyang mga alagad ang mga bagay na para sa kanila ay walang kabuluhan. Tinipon at sinunog nila ang sa tingin nila ay nagdudulot sa mga tao na magkasala at balewalain ang mga gawaing maka-Dios. Kasama sa mga sinunog nila ang mga damit, mga gamit at mga bagay na pampaganda sa mukha at katawan.
Marahil ay maituturing natin na sobra naman ang ginawang ito nina Savonarola. Maihahalintulad natin ito sa sinabi ni Jesus nang mangaral Siya sa mga tao. Sinabi ni Jesus, “Kung ang kanang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! ...At kung ang kanang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon!” (MATEO 5:29-30).
Pero hindi natin lubos na mauunawaan ang nais iparating ni Jesus kung literal natin itong bibigyan ng kahulugan. Ang nais ni Jesus ay ituon natin ang ating isipan sa kung ano ang dapat na nilalaman at pinapahalagahan ng ating puso.
Maaaring nakatawag ng pansin ang ginawang pagsunog nina Savonarola sa mga bagay na itinuturing nilang walang kabuluhan. Pero marahil ay hindi pa rin nabago ang puso at paniniwala ng mga taong sumama sa pagtitipong iyon. Tanging ang Dios ang makakapagbago ng ating mga puso. Tulad ng panalangin ng sumulat ng Salmo 51:10, idalangin natin sa Dios na “Ilikha N'yo ako ng busilak na puso, O Dios.” Tandaan na ang ating puso ang tinitingnan ng Dios.