Madalas kong makita ang isang eksena sa parke na malapit sa aming bahay. Kapag binubuksan ang pandilig sa parke, pinapakawalan na ang asong si Fifi ng kanyang amo.
Lalapit naman si Fifi sa pandilig at hinahayaan niyang mabasa ng tubig ang kanyang mukha. Kitang-kita na punong-puno ng kasiyahan si Fifi sa tuwing nababasa siya ng tubig.
Naalala ko tuloy ang isinulat ni Apostol Pablo sa Efeso 3 dahil sa naguumapaw na kasiyahan ni Fifi. Idinadalangin ni Pablo na ang mga nagtitiwala kay Jesus sa Efeso ay mapuno nawa ng pagmamahal ng Dios. Idinalangin din niya na “maunawaan [nila] at ng iba pang mga pinabanal kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo sa atin” (TAL. 18 MBB). Idinalangin pa niya na “mapuspos [nawa sila] ng kapuspusan ng Dios” (TAL. 19 MBB).
Tulad ng mga taga-Efeso, nais ng Dios na maramdaman natin ang Kanyang walang hanggang pagmamahal kahit na may pagkakataong hindi natin ito lubos na maunawaan. Maranasan din nawa natin ang nag-uumapaw na kabutihan ng Dios. Manabik tayong lumapit sa Dios na siyang magpupuno ng pagmamahal sa ating puso at magbibigay ng kabuluhan sa ating buhay.