May pag-aaral na ginawa ang mananaliksik na si Ellen Langer noong 1975 na may pamagat na The Illusion of Control. Pinag-aralan niya kung paano tayo gumagawa ng paraan para mabago ang mga nangyayari sa ating buhay. Nalaman niya na ang mga tao ay naniniwala na kontrolado nila ang ilang sitwasyong nangyayari sa kanilang buhay. Lumabas din sa pag-aaral na madalas na hindi nangyayari ang mga pinaplano natin.
Maraming pag-aaral din ang may katulad na resulta sa mga natuklasan ni Langer. Mababasa naman natin sa Biblia ang isinulat si Santiago tungkol sa paggawa ng mga plano sa buhay na wala namang katiyakan kung mangyayari ito. Sinabi niya sa Santiago 4, “Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, ‘Ngayon o bukas, pupunta kami sa isang bayan. Mamamalagi kami roon ng isang taon, magnenegosyo, at kikita ng malaki.’ Sa katunayan, hindi n'yo alam kung ano ang mangyayari sa inyo bukas. Sapagkat ang buhay ay parang hamog na lilitaw nang sandali at mawawala pagkatapos” (T. 13-14).
Sinabi rin ni Santiago na ang Dios ang tanging may hawak sa ating buhay. “Kaya nga, ito ang dapat ninyong sabihin: “Kung loloobin ng Panginoon at mabubuhay pa tayo, ganito o kaya ganoon ang gagawin natin” (T. 15). Ipinaparating dito ni Santiago na dapat nating ipagkatiwala sa Dios ang mga plano natin sa buhay.
Tandaan natin na hindi natin hawak ang mga mangyayari sa ating buhay. Tanging ang Dios lamang ang may hawak sa mga ito. Mapagkakatiwalaan natin ang mga plano ng Dios.